LUNGSOD NG MALOLOS- Ayon sa Provincial Epidemiology and Surveillance Unit ng Provincial Health Office-Public Health, sa kabuuang 11,863 na mga kaso ng COVID-19 sa lalawigan, 10,928 (92%) ang gumaling.
Sa pinakahuling Situational Report No. 347 hinggil sa Coronavirus Disease 2019 mula sa Provincial Risk Reduction and Management Office, kalihiman ng Bulacan Provincial Task Force on COVID-19, nitong Pebrero 9, 2021, may kabuuang 16,243 na mga kasong may kinalaman sa COVID-19 ang nakalap mula sa mga disease reporting units sa buong lalawigan, kung saan, 11,863 ang kumpirmado, walang probable, at 4,380 ang suspect, samantalaang wala namang bagong naitalang nasawi mula sa 510 pa na mga aktibong kaso.
Gayundin, ang Lungsod ng Malolos at mga bayan ng Guiguinto at Santa Maria ang nagtala ng pinakamataas na aktibong mga kaso na may 73, 49 at 41 ayon sa pagkakasunud-sunod.
“We keep on planning and we keep on executing. Mahalagang nag-uusap tayo para mas nalalaman natin ang nangyayari sa paligid at ano pa ang mga kailangan. Bagaman hindi pa nawawala ang COVID-19, nagpapasalamat akong nasasanay tayong sumusunod sa mga health protocol, natutuwa akong nakikitang sumusunod sa batas ang mga Bulakenyo,” ani Gob. Daniel Fernando.
Sinabi rin ng gobernador na habang naghihintay sa desisyon ng pamahalaang nasyunal patungkol sa bakuna, susuportahan at susunod ang lalawigan sa mga protokol upang paglingkuran at isalba ang buhay ng mga Bulakenyo mula sa COVID-19.
“Hihintayin natin ang official statement ng national government at DOH, dahil as of now di pa tayo pwedeng mag-procure ng sarili natin. Di tayo pwedeng magdesisyon tungkol diyan na bumili tayo ng bakuna sa sarili natin, ‘pag sinabi na ng national government na okay na itong brand na ‘to saka tayo kikilos, pero nakahanda naman tayo. Magsusupplement kami para maipambili ng bakuna at maibigay ng libre sa mga tao,” paliwanag ni Fernando.
Sa kasalukuyan, nasa 143 na mga Executive Order at iba pang tulad nito ang inilabas ng lalawigan ng Bulacan para sa monitoring, mandatory na pagkuha ng temperatura at mahigpit na pagpapatupad ng mga alituntunin at polisiya hinggil sa COVID-19.
Dagdag pa rito, nananatiling may 15 na quality control points sa lahat ng pasukan at labasan sa Metro Manila, Nueva Ecija, Pampanga at Bulacan at 13 Bulacan Shield, dalawang nakalaang control points at 12 NLEX quality control points sa layuning mapigil ang paglaganap ng nasabing virus.
Samantala, nasa ilalim pa rin ng state of calamity ang bansa sa bisa ng Proclamation No. 1021 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Setyembre 16, 2020 na pinalawig hanggang Setyembre 12, 2021 dahil sa nararanasang pandemya.