LUNGSOD NG MALOLOS — Aprubado na ang bisyong “Malolos 2030” na naglalayong ihatid ang lungsod sa ganap na industriyalisasyon sa susunod na 10 taon.
Sa ginanap na 12th City of Malolos Development Full Council Meeting, inilatag ni Mayor Gilbert Gatchalian ang mga komposisyon sa plano, pagpapatupad at pagpopondo sa mga programa sa ilalim ng Malolos 2030.
Ipinaliwanag niya na resulta ito ng dalawang taon na komprehensibong pag-aaral ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa kabila ng nararanasang pandemya.
Tinatayang mangangailangan ng inisyal na P3 bilyon sa pagsasakatuparan ng Malolos 2030.
Ayon kay Arch. Jose Francisco Aniag, focal ng project management team, kalakip nito ay inihahanda ng pamahalaang lungsod ang pangangailangan sa pagkakaroon ng karagdagang mga espasyo para paglagyan ng mga padating na bagong pamumuhunan.
Target na pagsapit ng taong 2026 na maisakatuparan ang pagkakaroon ng bagong pitong growth centers ng Malolos.
Una rito ang itinatayong 12 ektaryang Cyber Park na matatagpuan sa tabi ng Malolos City Government Center. Pangalawa ang pagkukumpleto ng mga pwesto sa kahabaan ng Paseo Del Congreso na siyang financial district ng lungsod.
Ikatlo ang Tikay Commercial Center kung saan matatagpuan ang 25 ektaryang bagong First Bulacan Business Park, na idineklara ni Pangulong Duterte bilang isang ganap na Special Economic Zone sa bisa ng Proclamation 1070.
Pang-apat ang ‘Show-window growth corridor’ na nasa mga barangay ng Sumapang Matanda at Cofradia sa kahabaan ng Mac Arthur Highway o Manila North Road.
Nasa panglima ang Longos Gateway na magiging panibagong shopping destination. Nakalatag na rin ang pagtatayo ng 62 ektaryang central business districts o CBD sa mga barangay ng Barihan na malapit sa North Luzon Expressway o NLEX.
Iba pa rito ang planong CBD sa Mambog na malapit sa itinatayong New Manila International Airport sa katabing bayan ng Bulakan.
Kaya’t sa paglalatag ng bisyong Malolos 2030, magkakaroon na ng katiyakan kung anu-anong mga lugar ang uubrang maialok sa mga mamumuhunan kung saan makakapagtayo upang makalikha ng mga trabaho.
Kaugnay nito, iprinisinta rin Eugene Cruz, pinuno ng City Planning and Development Office, sasabayan ng paglalatag ng mga karagdagang road networks at sistema ng transportasyon ang pagtatayo ng pitong growth centers.
Sinisimulan na ang Malolos-Paombong Circumferential Road sa bahagi ng Blas Ople Road sa barangay Anilao.
Magkakaroon naman ng Balite-Santor Bypass Road na magpapaluwag ng daloy ng trapiko sa Mac Arthur Highway at kabayanan ng Malolos. Kakabitan ito ng planong Balite-Mambog Diversion Road.
Ang Guinhawa-Bulihan Diversion road ay magiging bagong daan mula sa Mac Arthur Highway papunta sa Paombong at Hagonoy. Paluluwagin naman ng Sumapang Bata-Barihan Diversion Road ang Malolos-Plaridel Road na nakapagtala ng pinakamasikip na daloy ng trapiko sa lungsod.
Target din sa taong 2030 na magkaroon ng direktang kalsada papuntang NLEX mula sa Malolos sa pamamagitan ng Ligas-Barihan Road. Iba pa rito ang Maunlad-Barihan Road at pagpapahaba ng Ligas Road sa pamamagitan ng bagong Ligas-Bungahan Road.
Ikakabit din ang nawawalang kalsada mula sa Bulacan Polytechnic College sa Felicisima.