Biyahe ng P2P buses sa ilang bayan sa Bulacan, balik operasyon na

BALAGTAS, Bulacan — Balik operasyon na ang mga Premium Point-to-Point o P2P buses na may biyahe sa mga bayan ng Balagtas, Pandi at Plaridel.

Ito’y matapos pagkalooban ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng special permit para makabiyahe ngayong umiiral na ang General Community Quarantine. 

Mayroon itong ruta mula sa Balagtas papuntang North Avenue sa lungsod Quezon na dadaan sa Bocaue exit ng North Luzon Expressway o NLEX. 

Ang mga ruta naman na mula sa Pandi at Plaridel ay lumalabas sa Plaridel Bypass Road patungo sa Balagtas exit ng NLEX papuntang North Avenue. 

Ayon kay Jojo Fernandez ng HM Transport na may konsesyon sa mga rutang ito ng P2P sa Bulacan, hindi tumaas ang pamasahe bagama’t may nabago sa oras ng operasyon at limitado ang bilang ng mga bus na pinapatakbo. 

Mananatiling 70 piso ang pamasahe sa rutang Balagtas-North Avenue na apat na bus units muna ang gagamitin mula sa dating pito. 

Ang pamasahe naman mula sa Pandi hanggang North Avenue ay 100 piso pa rin na may limang bus units lamang mula sa normal na pito habang 80 piso pa rin ang pamasahe para sa biyaheng Plaridel hanggang North Avenue na may anim na bus units mula sa regular na siyam. 

Lahat ng mga rutang ito ay may first trip na alas-4 ng umaga hanggang alas-6:30 ng hapon. 

Ang mga oras naman ng biyahe na pauwi sa Balagtas, Pandi at Plaridel mula sa North Avenue ay mula alas-5 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi. 

Ang dating tig-30 sigundong agwat o interval ay pansamantalang magiging kada isang oras muna.

Kaugnay nito, mahigpit din ang ipinapatupad na disinfection at physical distancing sa bawat mga biyahe nito. 

Sinabi ni Mark Joseph Marino, dispatcher ng P2P dito sa Balagtas, naglatag ng disinfectant map sa tapat ng pintuan ng bus unit upang matiyak na makatapak muna ang bawat pasahero bago pumanik sa istribo ng bus.

Nilagyan ng markang ekis sa isa sa mga dalawahang upuan upang matiyak na isang tao lamang ang pwedeng maupo. 

Kaya’t ang dating 53 na katao na nailululan sa bawat isang P2P bus units ay 23 na lamang bilang pagtalima sa direktiba ng LTFRB.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews