Bokal Teri nagdonate ng school service vehicle sa Abucay, Bataan

ABUCAY, Bataan — Isang air conditioned van ang ibinigay ni Board Member Dexter “Teri Onor” Dominguez sa isinagawang pagsasara o closing ceremonies ng Brigada Eskwela 2019 sa Bonifacio Camacho National High School sa Barangay Calaylayan ng bayang ito noong Sabado.

Ayon kay Bokal Dominguez, bahagi ito ng kanyang adbokasiyang “LOVE TERI” na naglalayong tulungan ang kanyang mga kababayan sa kabuhayan, edukasyon, kalusugan at paghahanda sa epekto ng climate change.

Ang “LOVE TERI” advocacy ay ang: “Livelihood and skills development program, Organized climate change action plan, Valuable health care service, Education for all. Transparency. Equality. Resiliency. Integrity.”

“Ipinagkaloob po ng LOVE TERI ang school service (vehicle) na yan para sa mga estudyante po ng Bonifacio Camacho National High School na manggagaling sa upland areas ng Abucay, tulad ng Hacienda, Sitio Gomez, Sitio Malaking Bato at Griyego para wala na pong dahilan na sila ay liliban sa eskwela dahil sa mahal ng pamasahe. Isa pa po, kaya po ang inyong lingkod ay para hindi na nila problemahin ang pamasahe pagpasok at pauwi ng bahay,” pahayag ni Bokal Domiguez.

Sinaksihan ni Bataan First District Representative Geraldine B. Roman, DepEd officials at mga barangay officials ang turn-over ng naturang sasakyan at ng paging system sa nasabing eskwelahan.

“Humahanga ako sa iyong plataporma at adbokasiya,” sambit ni Kinatawan Geraldine Roman sa kanyang naging talumpati.

Nagpahayag din ng kanyang full support si Cong. Roman sa mga proyekto at adbokasiya ni Bokal Dominguez na nasa ikatlong termino na bilang bokal.
Laking pasasalamat naman ng pamunuan ng paaralan sa pangunguna ni Dr. Myrna Castillo, school principal kasama na ang kaguruan ng naturang paaralan.

Tiniyak naman ni Bokal Dominguez na magdodonate din siya ng kahalintulad na sasakyan sa siyam na barangay dito.

“Para magamit sa rescue efforts at distribution ng mga relief goods tuwing may pagbaha ay magdodonate din po ako ng 10 rescue boats 8 para sa lowland barangay at 2 sa PNP Abucay,” pagtitiyak ni Bokal Teri, tawag sa kanya ng mga kaibigan at tagasuporta.

Lahat ng paaralan ng Abucay at barangay halls ay lalagyan din ni Bokal Dominguez ng paging systems para magamit ng mga mamamayan dito sa mga importanteng anunsiyo at mensahe lalo na sa panahon ng kalamidad.

“Ang mga school buildings na ating ipinapatayo, school service vehicle, paging systems, rescue boats, continuous medical assistance at iba pang tulong ay bahagi lahat ng ating LOVE TERI advocacy,” dagdag pa ni Bokal Teri.

Ang Bayan ng Abucay ay isang 3rd class na munisipalidad ng  lalawigan ng Bataan. Dito matatagpuan ang natural na talon ng Pasukulan at ang kilalang Bukal ng Sibul.      

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews