BTr, hinihikayat ang publikong mamuhunan sa treasury bonds

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Hinimok ng Bureau of the Treasury o BTr Gitnang Luzon ang publiko na simulan ang pamumuhunan sa pamamagitan ng retail treasury bonds o RTBs.

Ayon kay BTr Regional Director Irene Jonson, ang mga treasury bonds, partikular na ang RTB, ay idinisenyo para sa mga maliliit na mamumuhunan, at bahagi ng pagsisikap ng pamahalaang suportahan ang kamalayan ng publiko sa pananalapi.

Aniya, layunin nitong hikayatin ang publiko na simulan ang pag-iipon sa mga bangko.

Limang libong piso lamang ang kinakailangan ng isang indibidwal para makapamuhunan sa nasabing RTB. May taunan itong interes na 4.375 porsyento at babayaran kada tatlong buwan sa loob ng tatlong taon. 

Upang makapamuhunan sa nasabing RTB, maaaring magtungo ang mga interesadong indibidwal sa alinman sa 20 bangkong ahente ng BTr, basta mayroon silang peso account sa mga ito.

Kabilang dito ang Banco de Oro Unibank, Inc., BDO Capital and Investment Corporation, BPI-Capital Corporation, China Banking Corporation, Citibank, CTBC Bank (Philippines) Corporation, Development Bank of the Philippines, East West Banking Corporation, First Metro Investment Corporation, ING Bank, Land Bank of the Philippines, Maybank Philippines, Inc., Metropolitan Bank & Trust Company, Philippine National Bank, Philippine Bank of Communications, Rizal Commercial Banking Corporation, Robinsons Bank Corporation, Security Bank Corporation, Standard Chartered Bank, at Union Bank of the Philippines. 

Maaari ring makabili ng bonds online sa pamamagitan ng Development Bank of the Philippines, Land Bank of the Philippines, at First Metro Investment Corporation. Pumunta lamang sa website na www.treasury.gov.ph, i-click ang logo ng RTB, at sundin ang panuto.

Bilang karagdagang tampok, sinabi ni Jonson na may Exchange Offer program ang BTr, kung saan ang mga may hawak ng RTB 3-08 bonds na magmamature sa Abril 11, 2020, ay papayagang ipalit ang kanilang mga hawak para sa pinakabagong alok ng RTB.

Maaaring mabili ang bonds hanggang Pebrero 6, 2020.

Ito ay kinonsepto upang magsilbing pangunahing mapagkukunan ng pondo ng ahensya upang suportahan ang mga proyekto ng pambansang pamahalaan tulad ng imprastruktura, serbisyong panlipunan, kalusugan, at edukasyon. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews