Bukas na Liham kay Jim Paredes

Kababayang Jim:

Sana mapayapa ang naging tulog mo at magiging mga pagtulog mo sa mga susunod pa na mga gabing magdadaan sa buhay mo. Di man ako natuwa sa ginawa mong panenermon sa mga kabataang ipinaglaban natin ang kalayaan nila at kinabukasan 31 taon na ang nakalipas dyan mismo sa kinatatayuan mo sa EDSA, ipaglalaban ko at tatayaan ko ng aking buhay ang karapatan mo na sabihin ang gusto mo sabihin. Ganun din para sa mga kabataang nagpapahayag din ng kanilang damdamin sa EDSA na iyong mininaliit, tinawaran ang pang unawa at ininsulto.

Tanong ko lang, tama ba ang ginawa mo? Noong kaharap natin ang mga sundalo noon sa EDSA na kakampi ng pamahalaan, minaliit ba tayo? Tianawaran ba ang ating pang unawa sa sitwasyon? Ininsulto ba tayo?

Jim may edad kana at minsang tiningala ng mga kababayan nating Pilipino. Pinukaw ng mga awitin ninyo ang kaisipan at damdamin ng mga Pilipino, kasama na ako. Ano ang nangyare? Ano ba galet mo kay Pangulong Duterte? Tulad din ba yon noong unang mga araw ni Pangulong PNoy na galit kayo dahil di pa kayo binibigyan ng pwesto sa kabila ng inyong pangunguna na itulak si Noynoy na tumakbo sa pagkapanalo? Kailangan ba pag tumulong ka sa pulitiko at manalo bigyan ka ng posisyon?

Ayaw ko isipin na ang galit ninyo ay nagmumula sa naudlot ninyong pagpapasasa sa kapangyarihan. Kakalungkot din na sa pananatili ninyo sa kapangyarihan kayo na ang may monopolya ng tama, moral at legal. Tulad ng kasamahan ninyo na si Sen. Drilon. Sabi nya dapat igalang ang senado at wag arestuhin si Sen. Delima sa loob nito. Sang-ayon ako, pero teka, diba si Sen. Drilon ang Justice Secretary noon ni Cory noong arestuhin si Sen. Enrile sa kasong imbensyon nya: rebellion with murder and frustrated murder sa loob mismo ng Senado? Diba si Sen. De Lima ang justice secretary noong pinigilan si PGMA na umalis upang magpagamot sa kabila ng lahat na may TRO ang supreme court?

Pinupuri ko ang inyong pagtatanggol sa buhay kasama na ang mga pari. Ang di ko maindihan, bakit lahat ng nangyayari na patayan na may kaugnayan sa illegal na droga ay isinisisi ninyo agad kay pangulong duterte? Bakit tahimik kayo at simbahan sa mga kahindikhindik na krimen na may kinalamam sa droga? Bakit noong kayo pa ang nasa kapangyarihan ay di man lang nabanggit ni PNoy ang illegal na droga sa kanyang mga SONA?

Dalangin ko na sana magkaroon kayo ng kababaang loob na tanggapin na namili na ang taong bayan. Nagising na sila sa panloloko ng mga kauri ninyong mapang-api at mapangimbabaw. Sawa na ang mga manamayan sa inyong matatamis at banal banalang salita habang sila ay hibahampas ng kahirapan at araw araw na dinadagukan ng mga krimen sa lipunan. Tapos na ang mga araw ng mga oligarchs. Nakakita na ng kampeon ang mga maliliit na manamayang pilipino na inyong inapi. Ganito rin noon ang hinahanap ng mga taong maliit na pumunta sa EDSA 31 na taon na. Subalit, masakit man sabihin, tinimbang ang 6 years ni cory at 6 years ni PNoy bilang pangulo at parehas kulang.

Kaya sa susunod G. Jim Paredes, wag mga bata. Kung gusto mo ng debate sa mga isyu mag request ka sa mga kakampi at kakulay mo na media na pag aari ng mga oligarchs na bias para sa inyo ng isang paghaharap on air handa ako para harapin ka at makipagtalastasan punto por punto sa mga isyu. Wag mga bata ang singhalan mo. Hanap ka ng katapat mo!

Ganun pa man, patuloy ko kayong ipagdarasal na sana at buksan ng Diyos ang inyong puso at isipan. Maaaring hindi tayo maging magkasama sa isang pananaw at paniniwala, pero dapat ipagtanggol natin at ilaban ang karapatan ng bawat isa na magpahayag ng kanyang saloobin. Diba ito ang diwa ng EDSA: kalayaan at katarungan? Kung naiba na ito, baka di ko nga kayo maintindihan.

Mabuhay ka!

Lubos na sumasaiyo,

DR. EDWIN CHINEL MONARES
Mamamayang Pilipino
EDSA 1 and 2 veteran

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews