LUNGSOD NG MALOLOS – Bukod sa dreaded disease na COVID-19 ay pinaalalahanan din ni Gob. Daniel Fernando ang publiko na maging mapagmatyag din kontra sa mapanganib na dengue disease lalo na ngayong tag-ulan.
Ito ang paalala ng gobernador sa kabila ng naitalang pitong porsyentong mas mababang kaso sa lalawigan kumpara sa nakalipas na taon.
Ayon sa Epidemiology and Disease Surveillance Unit ng Provincial Health Office-Public Heath, nakapagtala sila ng may kabuuang 1,718 na pinaghihinalaang kaso ng dengue mula Enero 1 hanggang Hulyo 3, 2021 kung saan tatlo ang namatay.
“Manatili po tayong maalam, mapagmatyag at maingat. Ang dami po nating kalaban hindi lang ang COVID-19 na nagparalisa sa lipunan mahigit nang isang taon, hindi rin po nawawala ang dengue na malaking banta sa kalusugan nating mga Bulakenyo,” ani Fernando.
Nananawagan din ang gobernador sa pakikiisa ng mga Bulakenyo na gawin ang 4S strategy laban sa dengue kabilang ang Suriin at Sirain ang mga pinamumugaran ng lamok sa loob at labas ng bahay, Sarili ay protektahan laban sa lamok, Sumangguni agad sa mga pagamutan o health centers kapag may sintomas ng dengue, Suportahan ang fogging kapag may banta ng outbreak.
“Sikapin po nating panatilihing malinis ang ating kapaligiran, alam po natin kung paano maiiwasan, kumilos po tayo, magtulungan po tayo,” anang gobernador.
Ipinaliwanag ng Kagawaran ng Kalusugan na naisasalin ang dengue sa pamamagitan ng kagat ng lamok na Aedes aegypti at Aedes albopictus na may dalang dengue. Ang mga lamok na ito ay nangingitlog sa mga naiipon at ‘di dumadaloy na tubig tulad sa mga takip ng bote, pamingganan, basurahan, nakatambak na gulong at iba pa na karaniwang nangangagat dalawang oras pagsikat ng araw at dalawang oras bago lumubog ang araw, sa loob o labas man ng bahay.