Bulacan at 4 bayan, nanatiling mataas sa Competitiveness Index

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Nananatiling kasama sa hanay ng mga nangungunang lalawigan sa bansa ang pag-unlad ng Bulacan. Gayundin ang patuloy na pagsulong ng apat na mga bayan nito na Baliwag, Santa Maria, Marilao at Guiguinto.

Sa ginanap na Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI) 2021 local awarding ceremony na isinagawa ng Department of Trade and Industry (DTI)- Bulacan, pasok pa ang Bulacan bilang pangsampung pinaka-most competitive na lalawigan sa larangan ng Economic Dynamism.

Pangalawa ang bayan ng Baliwag na may pinakamataas na pag-unlad o overall rating sa Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI) 2021. Bunsod ito ng mga reporma sa pagpapaunlad ng ekonomiya, epektibong pamamahala, makabagong imprastraktura at resiliency. (Shane F. Velasco)

Kabilang sa mga naging batayan nito ang pananatiling nakakapag-akit ang Bulacan ng mga bagong pamumuhunan, at patuloy sa paglikha ng maraming oportunidad sa trabaho sa gitna ng pandemya.

Noong Oktubre 2021, nakapagtala ng P106 bilyon ang halagang bagong pamumuhunan na pumasok sa lalawigan na nagbukas ng inisyal na tatlong libong trabaho.

Para kay Gobernador Daniel R. Fernando, patunay ito na epektibo ang mga istratehiya ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan gaya ng  pagpapalawak na maagapayan ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa ilalim ng Tatak Bulakenyo Program.

Pundasyon din aniya ng katatagan ng ekonomiya ng Bulacan ang ipinaiiral na epektibong koleksiyon ng buwis upang mapondohan ang mga programang pangkaunlaran.

Patunay rito ang parangal sa lalawigan bilang Top Performing Local Government Units in Local Revenue Generation for Fiscal Year 2020, na iginawad ng Bureau of Local Governance Finance (BLGF) ng Department of Finance (DOF).

Patuloy namang nangunguna ang bayan ng Baliwag sa anumang mga bayan sa Bulacan na may mataas na competitiveness index sa aspeto ng economic dynamism, government efficiency, infrastructure at resilience.

Nangunguna pa rin ang Baliwag sa anumang first and second class municipalities sa Pilipinas sa larangan ng pag-unlad sa mga pangunahing imprastraktura. Kinilala rito ang pagkakabukas ng Baliwag Access Road 1 at 2 na nagpaluwag ng daloy ng trapiko papasok at palabas ng kabayanan ng Baliwag.

Iba pa rito ang pagkukumpleto ng apat na linyang Baliwag section ng Pulilan-Baliwag Diversion Road noong 2021.

Pangalawa naman ang Baliwag sa larangan ng resiliency dahil sa epektibong pagreresponde ng Rescue FVE ng Municipal Risk Reduction Management Office (MRRMO), at ang pagkakaroon ng Climate Change Center na kauna-unahan sa Bulacan.

Pangatlo rin ang bayan sa larangan ng government efficiency at panglima sa pag-unlad ng ekonomiya.Ito ang nagbunsod upang ang Baliwag ay maging pangalawa sa overall most competitive na first class municipalities sa bansa.

Ayon kay Baliwag Mayor Ferdinand Estrella, hindi tumitigil ang pamahalaang bayan na maipagkaloob ang pinakamataas na paglilingkod upang magpatuloy ang pagbubukas ng mga oportunidad at trabaho.

Kaugnay nito, pang-12 ang Santa Maria at pang-16 ang Marilao sa overall rating ng most competitive first and second class municipalities.

Sa imprastraktura, nasa pang 17 ang Marilao dahil sa bagong gawang East Service Road na natatapos sa nasabing bayan. Habang pang-19 ang Santa Maria na mayroong bagong mga road bypasses papunta at palabas sa North Luzon Expressway (NLEX).Samantala, apat na mga bayan sa Bulacan ang pumasok sa top 20 sa aspeto ng economic dynamism ng Cities and Municipalities Competitiveness Index, kung saan panglima ang Baliwag, pangpito ang Santa Maria, pangwalo ang Marilao at panglabing-apat ang Guiguinto. 

Binuo ang Cities and Municipalities Competitiveness Index ng National Competitiveness Council (NCC) noong 2006 sa direktiba ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, sa pamamagitan ng mga Regional Competitiveness Committees (RCCs) sa tulong ng United States Agency for International Development (USAID). Ito’y upang taunang masukat ang pag-angat ng mga pamahalaang lokal sa larangan ng ekonomiya, pamamahala, imprastraktura at katatagan. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews