Bulacan, doble kayod para mapigil ang pagkalat ng COVID-19 virus

LUNGSOD NG MALOLOS- Agad na inatasan ni Gob. Daniel R. Fernando na i-disinfect ang paligid ng Bakuran ng Kapitolyo at doblehin ang pagsisikap ng pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat ng impeksyon bilang pag-iingat matapos makatanggap ng ulat na may mga nagpositibo sa virus sa nasabing lugar.

Ayon sa ulat mula sa Inter-Agency Task Force, 14 na Persons Deprived of Liberty (PDL) o bilanggo at anim na operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na matatagpuan sa Camp Alejo S. Santos na nagpositibo sa COVID-19 ang nakabukod na ngayon, kaya naman kagyat na ni-lockdown ang nasabing tanggapan na nakapagsagawa na ng disinfection, close contact tracing at PCR testing sa mga na-expose sa mga kumpirmadong kaso.

Ayon kay Dr. Hjordis Marushka Celis, Provincial Health Officer II, sumailalim naman sa 2-day disinfection procedure ang Bulacan Dialysis Center .

Bukod dito, sinabi din ni Atty.  Kristine Kay S. David-Manuel, officer-in-charge ng Public Attorney’s Office, na ang mga abogado at tauhan ng PAO na posibleng na-expose sa virus at nagpositibo sa rapid test ay nag-negatibo na sa swab test.

Binigyang diin din nito na habang naghihintay ng resulta, nagsagawa na sila ng disinfection sa tanggapan alinsunod sa alituntunin ng IATF.

Dagdag pa rito, sinabi ni Dr. Jocelyn Gomez, pinuno ng Provincial Health Office-Public Health, na 18 na mga bilanggo, tatlong jail guards at isang nurse ng Provincial Civil Security and Jail Management Office ang nagpositibo sa virus.

Bilang pag-iingat, pansamantalang ipinagbawal ni Ret. Col. Fernando Villanueva, pinuno ng PCSJMO ang pagdalaw ng mga bisita upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

Idinagdag pa ni Gomez na sa kasalukuyan, isang empleyado ng PHO-PH ang nakitaan ng sintomas at nagpositibo ang naka-quarantine na ngayon.

Agarang interbensyon din ang isinagawa kabilang ang disinfection ng tanggapan at pagpapatupad ng quarantine protocols, kung saan ang kanyang mga nakasaluha sa tanggapan ay na-contact trace, na-swab at sa ngayon ay naka-quarantine na rin.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews