Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, Kagawaran ng Turismo-Rehiyon III at ng End Child Prostitution, Child Pornography and the Trafficking of Children for Sexual Purposes (ECPAT) Philippines, kamakailan ang Child Safe Tourism Seminar sa pamamagitan ng Zoom.
Tinalakay sa nasabing seminar ang pinakabagong programa ng Kagawaran ng Turismo na tinawag na Tourism Integrates, Supports, and Minds Women’s Respect and Child Safety (TourISM WoRCS Program) na dinaluhan ng Bulacan Association Resort Owners at Bulacan Private Resorts.
Layunin nitong ibaba sa mga nagsidalo ang hinggil sa industriya ng turismo, epekto nito sa mga bata, mga hakbang na ginagawa upang protektahan ang mga bata, at hikayatin ang pagpapatupad ng mga polisiya at gawain upang matigil ang pagpapabaya at pananakit sa mga bata, at mahikayat sila na maging mga tagapagtaguyod ng kapakanan ng mga bata at komunidad na rumerespeto sa karapatan ng mga bata.
Ayon Dr. Eliseo Dela Cruz, hepe ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office, itinuturing ang turismo na isa sa pinakamalaking industriya na nag-aakyat ng kita sa ekonomiya at sa komunidad sa buong mundo. Ngunit, kaakibat ng mga benepisyong ito ang mga hindi magandang dulot nito sa larangan ng usaping sosyal gaya ng pagiging lantad ng kahinaan ng mga batang naghahanap-buhay at naninirahan sa mga pook panturismo.
“Matagal na nating ipinaglalaban ang karapatan ng mga bata, ipinagbabawal ang child labor at child trafficking. Ang mga kabataan po ang pag-asa ng bayan pero hindi naman po ibig sabihing pwede natin silang pagkakitaan at ibenta ang kanilang mga karapatan. Tandaan po nating responsibilidad nating mga nakakatanda, mga magulang ang ating mga kabataan,” ani Bulacan Governor Daniel Fernando.