LUNGSOD NG MALOLOS – Isang randomization activity ang isinagawa kamakailan sa pamamagitan ng isang video conference na pinangunahan ni Gob. Daniel Fernando at mga tauhan ng health facilities sa lalawigan kung saan hinati ang mga ito sa grupo upang masukat kung magiging epektibo ang paggamit ng digital adherence technology (DAT) o makabagong teknolohiya para sa gamutan ng tuberkulosis o TB.
Sa pamamagitan ng proyektong Adherence Support Coalition to End TB (ASCENT) na pinondohan ng Unitaid, hinihikayat ng KNCV Tuberculosis Foundation ang National TB control Program o NTP at iba pa sa limang bansa ng Ethiopia, South Africa, Tanzania, Ukraine at Pilipinas upang pangunahan ang mga ito na sundan at gayahin ang paggamit ng DAT, makakalap ng ebidensya na nagagamit ito, makabuo ng plano sa inplementasyon ng DAT, at mahikayat ang mga stakeholder sa mataas na antas ng paggamit ng DAT. Inaasahang makapagbibigay ang ASCENT ng katibayan na magdudulot ng mataas na pagsunod ng mga pasyente sa tamang gamutan sa pamamagitan ng DAT.
Sa nasabing gawain, pumili ng 16 na health facilities na gagamit ng DAT at standard of care o SOC para sa TB (intervention group) at 16 na pasilidad na gagawin lamang ang SOC (control group). Susukatin ang dalawang grupo upang malaman kung mapapababa ng paggamit ng DAT at SOC ang hindi mga nakakakumpleto ng gamutan kumpara sa SOC lamang ang ginagawa.
Sinabi ni Dr. Jason Alacapa, Research Coordinator ng proyekto na “The 16 facilities in the intervention group – all catering to drug-sensitive TB patients – will be randomly assigned either to the 99DOTS medication sleeve or to the evriMED/smart pill box.”
Lahat naman ng anim na pasilidad para sa Programmatic Management ng Drug-Resistant TB (PMDT) sa lalawigan ay gagamit ng video-supported treatment (VST) at evriMed/smart pill box na teknolohiya. Susukatin din ang pagtangkilik ng mga pasyente at healthcare workers sa paggamit ng DAT.
Ayon kay Gob. Daniel R. Fernando sa kanyang talumpati, bagaman mahigit isandaang taon nang nilalabanan ng mundo ang TB, nananatili itong pinaka nakamamatay na nakahahawang sakit, higit kaysa COVID-19 ngunit nananatili pa ring may pinakamababang pondo.
“I admit that as we divert finances for COVID, care for patients with TB is compromised. Since the national lockdown, there has been a 59% drop in daily GeneXpert testing and 23% reduction in new TB diagnosis. But we must remember to never let this pandemic take our focus away from other health problems,” ani Fernando.
Pinasalamatan ng gobernador ang KNCV-ASCENT at iba pang mga katuwang sa pagbibigay diin sa papel ng pamamahala sa laban kontra TB. Ang pamamahala sa kalusugan kasabay ng paggamit ng DAT ay magpapalakas upang masiguro ang pagsunod ng mga pasyente sa gamutan kahit malayo. Binigyang diin din ang kahalagahan ng DAT lalo’t naghahanda ang mundo sa bagong normal kung saan nililimitahan ang pakikisalamuha ng personal.
Samantala, inilahad ni Dr. Andre Daniel E. Villanueva, ASCENT Project Manager at KNCV Country Representative, ang overview ng proyekto habang binasa naman ni Dr. Jocelyn Gomez, NTP Medical Coordinator ng Bulacan ang magkakagrupo matapos ang bunutan.
Sinabi naman ni Kristian van Kalmthout, ASCENT Project Director mula sa KNCV Headquarters sa The Netherlands, na hahanap pa sila ng paraan upang mas mapalawak at mapadali ang paggamit ng DAT upang masigurong natatapos ang kumpletong gamutan sa susunod na dalawang taon.
Ibinahagi din ni Rachel Powers, technical focal point ng ASCENT Philippines mula rin sa KNCV Headquarters, ang mga susunod na hakbang matapos ang randomnization kabilang ang mga pagsasanay, paghahanda ng materyales hanggang sa mismong pagpapatupad ng proyekto.Ipinatutupad ng KNCV ang ASCENT kasama ang The Aurum Institute, London School of Hygiene and Tropical Medicine, at PATH.