Bulacan Infection Control Center, bukas na

LUNGSOD NG MALOLOS — Pinasinayaan na ni Gobernador Daniel Fernando ang bagong tayong tatlong palapag na extension building ng Bulacan Medical Center o BMC.

Opisyal din itong pinangalanan bilang Bulacan Infection Control Center na magsisilbing centralized quarantine facility ng mga positive, probable at suspect cases ng coronavirus disease o COVID-19. 

Ipinaliwanag ng gobernador na fully airconditioned ang buong pasilidad kung saan tinakdaan ang gamit sa bawat palapag. 

Sa ikatlong palapag iko-confine ang mga probable at suspect cases habang sa ikalawang palapag naman ilalagak ang mga pasyenteng positibo sa COVID-19 kung saan kumpleto ito sa mga pangunahing kagamitan gaya ng apat na dialysis machines, intensive care unit at mga ventilators. Nasa ibaba naman ang emergency room at triad area.

Sa kabuuan, idinisenyo ito upang makapaglulan ng 250 na mga kama.

Ayon kay Bulacan Chief of Hospitals Protacio Badjao, may halagang 200 milyong piso ang ginugol upang maipatayo ang pasilidad. 

Taong 2018 nang simulan ang konstruksiyon kung saan ang orihinal na plano ay maging extension building para sa mga nanganak sa BMC. 

Ngunit dahil sa kasalukuyang krisis sa COVID-19, ipinag-utos ni Fernando na magamit na ito bilang isang centralized quarantine facility ng Bulacan.

Nagdestino rito ng 30 mga doktor at 54 mga registered nurses para sa operasyon na pormal nang nagsimula ngayon. 

Ayon kay Provincial Health Office head Jocelyn Gomez, nabuo ang bilang ng mga idinestino rito mula sa augmentation ng mga doktor at registered nurses sa mga district hospitals na pinapatakbo ng Kapitolyo.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews