Magkasamang isinusulong ng pamahalaang panlalawigan at Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI) na maihanda ang lalawigan sa pagiging isang “First World Province” pagsapit ng taong 2040.
Iyan ang sentro ng idinaos na Joint Bulacan Business Conference at Invest Bulacan Summit 2023.
Ayon kay Provincial Planning and Development Office Head Arlene Pascual, patuloy na malaki ang ginagampanang papel ng mga nasa pribadong sektor upang maihatid ang Bulacan sa antas na hahanay sa mga nangungunang lalawigan sa mundo.
Bilang pangunahing hakbang na maabot ang pagiging “First World Province” status, prayoridad ngayon ng Kapitolyo ang pagsasakatuparan ng mga proyektong imprastraktura sa pamamagitan ng public-private partnership (PPP) na hahatak ng malalaking pamumuhunan at lilikha ng daang libong mga trabaho.
Ayon kay BCCI President Cristina Tuzon, ang bisyon na maging “First World Province” ay nakalinya sa AmBisyon Natin 2040 na isinusulong ng National Economic and Development Authority.
Kalakip nito ang target na makasabay ang Bulacan sa pambansang layunin na maging upper middle-income simula sa taong 2025.
Nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng taunang kita na hindi bababa sa US$4,500 o katumbas ng nasa P252 libo.
Sa kasalukuyan ay nasa US$3,950 ang per capita income ng bansa na katumbas ng P221 libo bilang nasa lower middle-income.
Kaya’t binigyang diin ni Pascual na dapat tutukan ang pagpapanatiling mataas ang employment rate ng Bulacan na ngayo’y nasa 94.1%. Katumbas ito ng 1,585,133 milyong Bulakenyo na may disenteng trabaho at magandang sahod.
Kaya naman sa ilalim aniya ng pamamahala ni Gobernador Daniel Fernando, iniaalok ng Kapitolyo sa mga mamumuhunan ang P20.58 bilyong halaga ng development projects sa pribadong sektor sa ilalim ng PPP modality.
Kabilang dito ang P6.20 bilyon na Satellite Government Center and EcoTourism Hub sa Donya Remedios Trinidad o DRT, P5.01 bilyon na Bulacan Mega City Project sa Pandi, Bocaue at Balagtas, P4.80 bilyong komersiyalisasyon ng dating Provincial Engineering Office o PEO Compound sa Guiguinto, at ang P4.57 bilyon na Bulacan Cyber Park and Business District sa Malolos.
Sa panig naman ng pribadong sektor, iprinisinta ng ni Palafox Architecture Group Inc. President Felino Palafox ang detalye ng itatayong US$200 bilyong Aerotropolis Phase 2 sa paligid ng ginagawang New Manila International Airport (NMIA) sa bayan ng Bulakan.
Ang nasabing kumpanya ay kinomisyon ng San Miguel Corporation, na may konsesyon sa proyektong NMIA, upang detalyadong ibalangkas ang disenyo para sa planong Aerotropolis.
Magsisilbing Phase 1 ng Aerotropolis ang mismong terminal buildings, runways at aviation complex ng NMIA na ngayo’y nasa kasagsagan na ng land development.
Nakapalibot naman dito ang Phase 2 na dinisenyo upang mabalanse ang pangangalaga sa kalikasan habang nagbubukas ng mga bagong oportunidad sa trabaho at hanapbuhay. (CLJD/SFV-PIA 3)