LUNGSOD NG MALOLOS — Itinanghal na kampeon ang Bulacan Police Provincial Office sa isinagawang 2022 Police Regional Office 3 Civil Disturbance Management competition.
Nakuha nito ang kampeonato matapos magpakita ng gilas at kahandaan sa ginanap na aktibidad sa Grandstand ng Camp Olivas sa lungsod ng San Fernando, Pampanga.
Ayon kay Police Provincial Director PCol. Charlie Cabradilla, layunin ng kumpetisyon na suriin ang kakayahan at abilidad sa operasyon, kahandaan sa mga kagamitan at kung paano pamahalaan ang isang mass action at pampublikong kaguluhan ng may maximum tolerance sa hanay ng pulisya.
Ang mga lumahok na miyembro ng bawat lalawigan ay dumaan sa tatlong bahagdan ng kumpetisyon: ang graded inspection, walong basic formation demonstration, at problem-based scenario kung saan sinubukan ang kakayahan ng pulisya sa aktwal na pag-atake sa kanilang hanay sakaling may civil unrest.
Isa rin itong pro-active step para sa anumang mass action upang siguruhin mabibigyan ng proteksyon ang karapatan ng tao habang ginagampanan ng mga pulis ang kanilang tungkulin at responsibilidad.
Pumangalawa sa paligsahan ang Bataan Police Provincial Office habang pumangatlo ang Regional Mobile Force Battalion.