Inaasahang dadagsa ang may 300K motorista karamihan ay mg turista sa North Luzon Expressway (NLEX) at Subic Clark Tarlac Expressway (SCTEX) na sasamantalahin ang mahabang bakasyon ngayong Semana Santa o Mahal Na Araw.
Tatlong lugar sa Bulacan ang tatayuan ng first aid stationsmula Abril 18-19, 2019 at bukas 24/7 sa Brgy. Kapitangan sa Paombong at National Shrine and Parish of the Divine Mercy sa Brgy. Sta. Rosa I, Marilao habang mula Abril 15-21 naman sa harap ng Gusali ng Kapitolyo mula ika-6:00 ng umaga hanggang ika-6:00 ng gabi.
Sinabi ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado na layon ng gawaing ito na masigurong ligtas ang mga biyahero at motorista na daraan at papasyal sa lalawigan kung kaya’t inatasan ang mga kawani mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Mangement Office-Bulacan Rescue, PNP, Philippine Army, non-government organizations mga volunteer na rescue team at katuwang na iba’t ibang C/MDRRMO sa lalawigan na tumao sa nasabing mga istasyon.
Samantala, naglabas naman ng traffic advisory ang bayan ng Baliwag kaugnay ng mga isasarang lansangan upang bigyang daan ang prusisyon ng kani-kanilang parokya.
Ayon pa sa nasabing advisory, isasara pansamantala sa Martes Santo at Miyerkules Santo ang Baliwag-Bustos Bridge sa pagitan ng alas-3:00 ng hapon hanggang alas-4:00 ng hapon; sa Miyerkules Santo at Biyernes Santo naman ang Plaza Naning at mga lansangan sa paligid nito simula alas-11:00 ng umaga at sa Biyernes Santo sa JP Rizal Avenue (Makinabang at San Jose Stretch) mula alas-3:00 ng hapon para sa mga prusisyon ng iba’t ibang parokya.
Tiniyak naman ni District Engineer Ramiro Cruz ng Bulacan 2nd District Engineering Office ng Departent of Public Works and Highway (DPWH) na nakahanda na rin ang itatalaga nilang assistance group sa mga common areas na dadaanan ng mga bakasyunista upang magbigay ng kaukulang suporta at assistance sa mga mangangailangan.
Maging ang 1st Bulacan District Engineer ay naka-alerto na rin simua ngayong Lunes at nakapag-coordinate na rin sa ib pang ahensiya ng gobyerno para katuwang sa Oplan Lakbay Alalay partiular na sa kahabaan ng Manila North Road at Cagayan Valley Road/ DRT Highway upang siguruhing magiging ligtas at payapa ang pagbiyhe ng bawat motorista, ayon kay Asst. District Engineer Aristotle Ramos.
Ayon naman kay President and Gen. Manager Luigi Bautista ng NLEX Corp., handang-handa na ang kanilang traffic assistance program ang “SMSK 2019” na siyang maghahatid ng maayos at mas magaang biyahe para sa mga motoristang dadaan sa NLEX at SCTEX.
Ayon kay Bautista, mas pinalawig ngayon ang SMSK program kung saan hindi lamang ito pagiibayuhin tuwing Mahal na Araw, Undas, Pasko at Bagong Taon kundi maging sa mga paparating na long weekends hanggang National Heroe’s Day.
Napagalaman na karagdagang mga toll plaza ang ilalagay sa mga main toll plazas ng Balintawak, Mindanao Avenue, Bocaue, Tarlac, San Miguel and Tipo Plazas upang maiwasan ang matinding trapiko na idudulot ng pagdagsa ng mga sasakyan.