Kaniya-kanya ng pagpapadama ng tunay na diwa ng Pasko ang mga lokal na opisyal ng lalawigan Bulacan sa pamamagitan ng pagmamahalan at pagbibigayan.
Si Governor Daniel R. Fernando ay binisita ang mga pasyente ng Hagonoy District Hospital, Calumpit District Hospital at Provincial Hospital-Bulacan Medical Center upang personal na mai-abot ang tulong medikal at pinansyal sa mga ito bilang pamaskong handog.
Kasama ng gobernador ang mga tahan ng Provincial Social Welfare and Development sa pangunguna ni Ms Rowena Joson.
Prayoridad naman ni Pandi Mayor Rico Roque ang mga senior citizen at Persons With Disabilities (PWD) sa kaniyang Paskuhan sa Barangay at buwanang birthday gift sa mga ito kung saan sabik na sabik ang mga ito sa pagbabalik ng alkalde.
Si Bocaue Mayor Joni Villanueva naman ay tuloy-tuloy ang kaniyang “Pamaskong Handog Caravan” sa mga barangay sa pamamahagi ng mga groceries partikular na sa mga kapos palad. Aniya, araw-araw ay dama ng mamamayang Bocaueno ang diwa ng pasko mula sa mga programa at proyekto ng pamahalaang lokal ng Bocaue.
Gayundin naman si Guiguinto Mayor Ambrosio Cruz Jr. na namahagi rin ng wheelchair at groceries sa kaniyang mga ka-barangay bilang pamaskong handog.