Muling itinanghal ng Philippine Chamber of Commerce and Industry o PCCI ang Bulacan bilang Most Business Friendly Province sa buong bansa.
Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nag-abot ng parangal kay Gobernador Daniel Fernando sa ginanap na ika-48 Philippine Business Conference and Expo na idinaos sa lungsod ng Maynila.
Ayon sa gobernador, pinapatunayan ng muling pagiging Most Business Friendly ng Bulacan na epektibo at napapakinabangan ng mga mamumuhunan, manggagawa at karaniwang mga Bulakenyo ang mga reporma ng Kapitolyo sa pagpapabuti ng iba’t ibang serbisyo nito partikular na sa sistema ng pagbubukas ng negosyo at suportang pang-ekonomiya.
Kabilang na riyan ang pagkakaloob ng tax incentives sa unang taon ng operasyon ng paglalagak ng bagong pamumuhunan. Gayundin ang pag-alalay ng Bulacan sa mga mamumuhunan upang makapagpasok ng mga kwalipikado at matataas na antas ng lakas paggawa upang doon magkaroon ng trabaho.
Iba pa rito ang bentahe ng itinatayong mga bagong imprastraktura gaya ng Metro Rail Transit 7, North-South Commuter Railway Phase 1 at Phase 2 at ang New Manila International Airport o NMIA.
Sinabi naman ni Department of Trade and Industry Provincial Director Edna Dizon na base sa tala ng Board of Investments , may inisyal na 852.59 milyong piso ang halaga ng mga pamumuhunan na naaprubahan nang pumasok sa Bulacan ngayong 2022.
Pinakamalaki rito ang 315.93 milyong piso na Economic and Low-Cost Housing Project na Saffron Hills sa Marilao na itatayo ng isang Chinese-Filipino Consortium na The New APEC Development Corporation.
Ang Japanese-Filipino Consortium naman na PHIRST Park Homes Inc. ay maglalagak ng 141.70 milyong piso na Economic and Low-Cost Housing sa Baliwag.
Isang Business Processing Outsourcing na magiging new services export provider, ang itatayo ng Concentrix Daksh Services Philippines Corporation sa pamamagitan ng 135.93 milyong piso pamumuhunan.
Pinakamalaki ang sosyo rito ng mga mamumuhunan mula sa Netherlands na may 98 porsyento na stake.
Mayroon namang tig-.001% na sosyo ang mga mamumuhunan mula sa Australia, Estados Unidos at Pilipinas.
Pawang mga Pilipinong mamumuhunan naman ang naglagak ng mga puhunan gaya ng Thaumazo Express Transport Solutions na isang new creative industries and knowledge-based service providers sa halagang 60 milyong piso sa Malolos.
Ang economic and low cost housing project sa Villand Ville 1 Butterfly Subdivision ng Hausplus Ventures Inc. ay itatayo sa lungsod ng San Jose Del Monte sa halagang 175.40 milyong piso habang ang gumagawa ng gamot na Molnupiravir na Lloyd Laboratories na may 23.63 milyong pisong halaga ng pamumuhunan sa Malolos.
Noong 2021, nasa 106 bilyong piso naman ang pumasok na pamumuhunan sa lalawigan kung saan pinakamalaking bulto ay mula sa Northwin Global City ng Megaworld Corporation na gagawin sa loob ng 15 hanggang 20 taon.
Magiging mixed-use facilities ito para sa mga high-rise condominiums, hotels, malls, commercial buildings, educational institutions at mga state-of-the-arts na office towers.
Pinakamalaking naitalang pumasok na pamumuhunan sa Bulacan ay noong taong 2020 na nagkakahalaga ng 536.5 bilyong piso sa kasagsagan ng pagtama ng pandemya ng COVID-19.
Ito ang panahon na pormal nang inilagak ang puhunan ng San Miguel Corporation para sa ngayo’y itinayong NMIA.
Base sa tala ng Provincial Cooperative and Economic Development Office, ito na ang pangsiyam na beses na pinarangalan ng PCCI ang Bulacan bilang Most Business Friendly Province.
Naging Hall of Famer mula taong 2004 hanggang 2006, muling naparangalan noong 2013, 2015, 2017, 2019 at 2020.
Samantala, sinabi rin ni Dizon na ang mga bagong pamumuhunan na pumasok simula taong 2021 ay makikinabang na sa performance-based, output-based, employment-based at investment-based na tax incentives sa ilalim ng Republic Act 11534 o Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act. (CLJD/SFV-PIA 3)