Apat na truck na may lulang mga relief goods at P1-million check ang personal na inihatid ni Bulacan Governor Daniel Fernando sa mga biktima ng pagsabog ng bulkang Taal kamakalawa.
Ang cash donation at 5,000 food packs ay personal na tinanggap ni Batangas Governor Hermilando Mandanas mula kay Fernando nang bumisita ang mga local officials ng Bulacan sa Provincial Capitol ng Batangas.
Base sa listahan ni Provincial Social Welfare and Development Officer Rowena Tiongson, bawat isang food packs ay naglalaman ng apat na kilong Bigas, apat na delata, limang pakete ng Kape at dalawang pakete ng noodles.
Ayon naman kay Felicisima Mungcal, head ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), dalawang 6×6 trucks nitong tanggapan at dalawang ten-wheeler trucks ng Provincial Engineering Office (PEO) ang ginamit upang bukod sa makapaghatid ng mga food packs, ay makatulong din sa rescue at evacuation efforts.
Mayroon ding isinama na isang ambulansiya na may lulan na medical at rescue teams upang tumulong sa patuloy na rescue, relief at evacuation efforts sa mga apektadong bayan ng Batangas. Kumpleto ito sa mga pangunahing kagamitan gaya ng personnel protected equipment (PPEs).