LUNGSOD NG MALOLOS – Kaugnay ng temang “Pagpapalakas ng Ugnayan sa Komunidad tungo sa Mabuting Pamamahala,” isinagawa ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO) at Provincial Advisory Council (PAC) sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at Munisipalidad ng San Rafael ang kauna-unahang Provincial Advisory Council Summit na ginanap sa Victory Coliseum sa Brgy. Sampaloc, San Rafael, Bulacan kamakailan.
Tinipon sa nasabing summit ang mga hepe ng pulisya, strategy management personnel at mga kasapi ng bawat advisory council sa mga istasyon ng pulis sa lalawigan upang higit na bigyang linaw sa mga ito ang kanilang kahalagahan sa pag-abot ng Philippine National Police Peace and Order Agenda for Transformation and Upholding of the Rule of Law o PNP PATROL Plan 2030.
Sa mensahe na inihatid ni Chief of Staff Antonio del Rosario, sinabi ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado na mabigat ang nakaatang na responsibilidad sa PNP upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan kung isasaalang-alang ang pagtaas ng insidente ng krimen na resulta ng mas malawak na suliranin ng kahirapan.
“Itinalaga ninyo ang inyong mga sarili sa layuning titiyak hindi lamang sa kapayapaan at kaayusan bagkus ay sa pagpapanatili ng demokrasya. Bagaman sa mga nakaraang panahon, kayo ay labis na nahuhusgahan, lubos akong naniniwala sa pagtupad ninyo sa inyong sinumpaang tungkulin, at na walang lugar sa Pambansang Kapulisan para sa mga pulis na lantarang nilalabag ang Saligang Batas,” ani Alvarado.
Binigyang diin din ng gobernador ang kahalagahan ng pagpapanatili ng imahe ng integridad at katapatan sa pulisya gayundin ang gampanin ng mga lokal na pamahalaan at mamamayan sa pagkakaroon ng ligtas na pamayanan.
Ipinaliwanag naman ni PS Supt. Chito Bersaluna ang mga konsiderasyon sa pagkilala sa mga bubuo sa advisory council kabilang na ang kilala sa integridad; mahusay na pinuno; may adbokasiya sa malinis na paglilingkod, mabuting pamamahala at pagbabago; sanhi ng pagkakaisa; partisipasyon sa mga gawain ng konseho; at residente o kasalukuyang naka-assign sa lugar.
Ibinahagi din ni Bersaluna ang mga tungkulin ng konseho na tumulong sa pagtukoy sa mga problema at magbigay ng karampatang payo kaugnay ng mga polisiya ng PNP; timbangin at magbigay ng suhestiyon upang marebisa ang istratehiya na magpapaunlad pa sa implementasyon ng PNP PATROL Plan 2030; at magpayo sa PNP sa kung paano madadagdagan ang pondo nito para masustina ang mga plano at programa ng PNP.
Kinakatawan din ang konseho ng mga sibilyan kabilang ang mga mula sa akademya, relihiyosong grupo, media at iba pang sektor ng lipunan.
Bukod dito, nagsagawa din ng workshop sa breakout session kung saan gumawa ang konseho ng dashboard na naglalaman ng natukoy na layunin, problema gayundin ang posibleng solusyon sa mga ito at iskedyul kung kailan maisasakatuparan ang proyekto para sa PNP.
Binuo ang nasabing Advisory Council bilang requirement sa Performance Governance System (PGS) na katumbas ng Seal of Good Local Governance (SGLG) sa mga pampublikong tanggapan.