Paiigtingin pa ng pamahalaang panlalawigan ang pagbabakuna upang mapangalagaan ang kalusugan ng bawat Bulakenyo.
Ito ang tiniyak ni Gobernador Daniel Fernando sa isinagawang Local Chief Executives Symposium on 2023 Measles, Rubella – Oral Polio Vaccine Immunization Activity and Reaching Every Purok Strategy program ng Department of Health sa Clark Freeport Zone.
Ayon sa gobernador, isinusulong niya ang walang tigil na pagsasagawa ng medical mission kaakibat ang aktibong pagtuturo sa kalusugan sa mga komunidad pati na rin ang kahalagahan ng routine immunization at catch-up vaccinations sa mga bata.
Sa tala ng Provincial Health Office o PHO, humigit kumulang tatlong milyong mga bata edad limang taon pababa ang inaasahang madaling kapitan ng tigdas sa buong bansa kung saan ang inaasahang bilang ay lumagpas na sa birth cohort, na nagpapahiwatig na ang paglaganap ng tigdas ay inaasahang mangyari sa lalong madaling panahon.
Dahil dito, siniguro ni Fernando na makapagsasagawa ng tuloy-tuloy at walang patid na lingguhang routine immunization services sa mga Rural Health Unit at Barangay Health Station pati na rin ang pagbibigay kaalaman sa mga Bulakenyo lalo na sa mga magulang hinggil sa kahalagahan ng pagseseguro ng pagbabakuna para sa kanilang mga anak.
Ipinag-utos rin niya sa PHO na magsagawa ng supportive supervisory visit mula buwan ng Pebrero hanggang Abril para sa monitoring activities upang matiyak na ang bawat lungsod at munisipalidad ay nakakasunod upang matukoy ang kalakasan at kahinaan, mga pagkukulang at pagsubok sa implementasyon ng National Immunization Program upang makamit ng lalawigan ang 95 porsyentong target ng Fully Immunized Child.
Kaugnay nito, ang Damayang Filipino Movement at Damayan sa Barangay ay halinhinan nagsasagawa ng medical mission sa bawat barangay upang maabot ang lahat ng Bulakenyo na walang kakayahan magtungo pa sa kabisera ng lalawigan. (CLJD/VFC-PIA 3)