LUNGSOD NG MALOLOS — Aabot sa 532 milyong piso ang matatanggap ng Bulacan State University o BulSU mula sa Department of Budget and Management para sa patuloy na pag-iral ng Universal Access for Quality Tertiary Education o Republic Act 10391.
Ayon kay BulSU President Cecilia N. Gascon, ang naturang halaga ay nakalaan para sa taong aralan 2019-2020 kung saan 266 milyong piso ang gugulin bawat semestre para tuition at miselenyo ng may 38,000 mga mag-aaral ng pamantasan.
Sa pagbisita naman ni Commission on Higher Education Officer-in-Charge Prospero De Vera sa BulSU, sinabi nito na ang naturang halaga ay bahagi ng kabuuang 43 bilyong piso na inilaan ng pambansang pamahalaan para sa libreng pag-aaral ng mga nasa kolehiyo sa mga state universities and colleges at mga local universities and colleges.
Mas mataas ito sa 40 bilyong pisong ginagamit ngayon para sa kasalukuyang taong aralan 2018-2019.