Bustos Community Hospital, ililipat sa tabi ng Plaridel Bypass Road

Ililipat na sa gilid ng Plaridel Bypass Road ang Bustos Community Hospital sa Bulacan.

Ito ngayo’y katabi ng gusali ng pamahalaang bayan sa kabayanan.

Pinangunahan ni Senate Committee on Health Chairperson Bong Go ang paghuhulog ng panandang bato bilang hudyat ng pagsisimula ng konstruksyon. 

Ito’y handog sa Ika-106 na Taong Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Bustos bilang isang bayan.

Ayon kay Bustos Community Hospital Head Rowena Ocmer, mananatili itong nasa ilalim ng pangangasiwa ng pamahalaang bayan kahit na magkaroon ng bagong pasilidad. 

Kapag natapos ang kabuuan ng proyekto sa taong 2025, ang lumang gusali nito sa kabayanan ay magiging isa namang malaking Rural Health Unit.

May inisyal na 100 milyong piso ang inilaan ng Department of Health o DOH sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program para sa unang palapag na target maitayo ngayong 2023. 

Sinabi ni DOH Bulacan Field Office Team Leader Emily Paulino na sa inisyal na operasyon nito ay magsisimula sa 25 kama ang kapasidad nito bilang isang Level 1 Hospital.

Sa target nitong makumpleto ang konstruksyon at mabuksan ang kabuuan ng operasyon sa 2025, aabot sa 100 kama ang kapasidad kung saan mangangailangan ng mahigit sa 50 medical practitioners at mga empleyado.

Kaugnay nito, sinabi Mayor Francis Albert Juan na naglaan ng 17 milyong piso ang pamahalaang bayan para sa pagbili ng nasa 5,000 metro kuwadrado na pagtatayuan ng bagong lokasyon ng ospital. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews