Nakatakdang pasimulan ng North Luzon Expressway o NLEX Corporation ang pagsasa-ayos ng northbound portion ng Candaba viaduct bridge ngayong Pebrero.
Ayon kay NLEX Corporation President J. Luigi Bautista, tatagal ng anim na buwan ang pagpapalit ng 13 link slabs na nagkokonekta sa bridge deck spans upang mas maging komportable ang pagbyahe ng mga motorista sa limang kilometrong road network sa pagitan ng Bulacan at Pampanga.
Ani Bautista, habang ginagawa ang proyekto, pansamantalang dadaan ang mga kotse, vans, small trucks at buses sa temporary steel bailey bridge at magsasagawa rin ng counterflow lane para sa mga nabanggit na sasakyan at cargo trucks.
Papatrulyahan din ito ng mga patrol officers at marshallls ng NLEX at paglalagay ng directional traffic signs upang bigyan ng abiso ang dadaan sa nasabing proyekto.
Ang pagsasa-ayos ng nasabing viaduct ay napasimulan na noong 2019 bilang bahagi ng four-year rehabilitation plan na naglalayon mapahusay at maging ligtas ang tulay sa motorista.
Nauna naman isinagawa noong 2017 ang konstruksyon ng emergency bays at upgrading sa tatlong linya gamit ang tinatawang nitong shoulder lanes bilang ikatlong linya.
Natapos naman makumpleto ang upgrading ng southbound portion ng nasabing viaduct noong Mayo ng 2021.
Ang Candaba Viaduct ay nagsisilbing pangunahing nag-uugnay sa Kalakhang Maynila at mga lalawigan sa norte at sa Gitnang Luzon.