Muling nanawagan si dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa 18th Congress na aprubahan na ang panukalang batas na bubuo sa Department of Migrant Workers and Overseas Filipino (DMWOF).
Ayon kay Cayetano, panahon na para ipagkaloob ito sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na binabansagan pa man din ng gobyerno bilang “bagong bayani” ng bansa.
“Ilang dekada ko nang naririnig na prayoridad natin ang OFW, na sila’y bagong bayani, pero kung titingnan mo walang focus o walang prioritization na ibinibigay sa kanila,” pahayag ni Cayetano sa isang panayam sa Bombo Radyo Tuguegarao noong Hunyo 5.
Si Cayetano ay isa sa mga pangunahing may-akda ng panukalang Department of Filipinos Overseas (DFO) Act na naglalayong bumuo ng isang departamento para lamang sa OFWs.
Naaprubahan ito noong Marso 2020 sa ilalim ng pamumuno ni Cayetano bilang Speaker, habang ang katumbas na panukalang batas naman nito sa Senado ay nakabinbin pa rin.
Nanindigan si Cayetano na kailangan ng isang Secretary na “tututok at uunahin” at “magpupursigi” na tugunan ang lahat ng problema ng mga OFW.
Ayon sa dating Speaker, masyado nang abala ang Department of Labor and Employment (DOLE) at ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa kani-kaniyang mandato para mahawakan pa nang maayos ang lahat ng isyu ng OFWs.
Bilang Foreign Affairs Secretary mula 2017 hanggang 2018, isa na si Cayetano sa mga naging pinakamalapit sa mga OFW. Sa ilalim niya ay napaigting ang kampanya laban sa Kafala o sponsorship system sa Middle East, naging P1 billion ang dating P400 million na Assistance to Nationals Fund (ATN), at naging P200 million ang dating P100 na Legal Assistance Fund.
Aniya, noon pa man ay hirap na ang DFA na tugunan ang lahat ng pangangailangan ng OFWs.
“Katulad ng DFA, ‘yung pang-araw-araw na consular [work] na katulad ng passports, tapos ‘yung economic diplomacy, ‘yung ASEAN, ‘yung UN, ‘yung mga security issues. So, hindi lang 100 percent sa OFW nakatutok,” pahayag niya.
“Gan’un din ang DOLE. Hindi naman lahat ng bansa meron tayong labor attaché, tapos busy rin sa local employment, at ngayon sa pagpapatupad nung programang TUPAD,” dagdag niya.
Nasa unang baitang na sana ng diskusyon ang Senado sa panukalang DMWOF nitong unang linggo ng Hunyo nang maabutan ito ng final adjournment ng 18th Congress noong Hunyo 5.
Ang ikatlo at huling Regular Session ay magsisimula sa Hulyo 26, 2021 at matatapos sa Hunyo 2022.
Gayunpaman, positibo naman si Cayetano na “malapit na” ang pagpasa sa panukalang batas dahil nasertipikahan na rin naman ito ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang “urgent.”
Pinasalamatan ng dating Speaker si Senate Labor Committee Chairman Joel Villanueva at Senador Christopher Lawrence “Bong” Go para sa patuloy na pagtulak ng panukalang departamento sa Senado.
Sakaling maaprubahan, ang DMWOF ang magiging pangunahing ahensya ng gobyerno na bubuo ng mga polisiya ng bansa na mangangalaga sa OFWs. Mapupunta na sa DMWOF ang lahat ng ahensya sa ilalim ng DFA at DOLE na kasalukuyang humahawak sa magkakaibang aspeto ng migrant workers affairs.
Bilang pagdiwang ng Migrant Workers Day, nagdaos si Cayetano nitong Hunyo 4 ng isang online town hall meeting kasama ang OFWs kung saan namahagi siya ng tig-P10,000 ayuda sa 300 OFWs sa ilalim ng programang Sampung Libong Pag-Asa.
Nasa 1,000 Pilipino na ang nabigyan ng P10,000 ayuda mula nang inilunsad ang programa noong Mayo 1.