Mga pampublikong lugar sa Nueva Ecija, planong lagyan ng CCTV

LUNGSOD NG PALAYAN — Ninanais ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija na makapaglagay ng mga CCTV o closed-circuit television sa mga pampublikong lugar.

Ayon kay Gobernador Aurelio Umali, sa pamamagitan ng mga aparatong ito ay mababantayan ang iba’t ibang lugar sa lalawigan mula sa krimen, trapiko gayundin ay magpapabilis ang pagresponde ng mga otoridad sa panahon ng sakuna o kalamidad. 

Napapanahon na aniyang isulong ang proyektong ito na mapapakinabangan hindi lamang ng mga otoridad mula sa pamahalaan kundi ng buong komunidad.

Ayon kay Umali, mahalagang malagyan ng CCTV ang mga pangunahing lansangan, munisipyo, pasyalan, mga lugar na binabantayan sa banta ng pagbaha at ibang pang mga matataong lugar palabas at papasok ng lalawigan.

Kaniya din aniyang imumungkahi ito sa mga lokalidad at sa mga opisyales ng barangay na mapapakinabangan sa pagbabantay ng mga nasasakupang komunidad.

Kaugnay ng naturang proyekto ay ang pagtatayo ng sariling command center ng pamahalaang panlalawigan na planong itayo sa compound ng Nueva Ecija Police Provincial Office sa lungsod ng Cabanatuan na magiging sentrong tanggapan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.

Ipinagpapasalamat naman ni Police Provincial Director Police Colonel Leon Victor Rosete ang mga inisyatibo ng pamahalaang panlalawigan at suporta sa buong hanay sa pagsugpo ng krimen sa lalawigan. 

Ang proyektong ito aniya ay magiging malaki ang papel sa pagresolba ng krimen at sa paghuli ng mga kawatan. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews