SAMAL, Bataan- “Sama na, census na!”
Ito ang sigaw nitong Lunes ng mga kawani ng Samal LGU sa pakikiisa sa isang buwang aktibidad sa pangunguna ng Philippine Statistics Authority o PSA.
Ayon kay Samal Mayor Aida Macalinao, ngayong Setyembre 7, 2020 ay sinimulan na ng PSA ang pagsasagawa ng opisyal na pagbilang sa mga miyembro ng bawat pamilya at paglilista ng mga mahahalagang impormasyon sa bayan ng Samal.
Aniya, layunin nitong masiguro na ang bawat isa sa sambahayan ay mabilang, at makumpirma ang impormasyong ibinigay noong kinumpleto nila ang palatanungan ng senso. Ang adhikain aniyang ito ay nakatalagang magpatuloy hanggang sa katapusan ng buwan ng Setyembre 2020.
Dagdag pa ni “Yorme Aida”, napakahalaga nito para sa isang bayan na magkaroon ng sapat na impormasyon at batayan ng bilang ng kanyang nasasakupan.
Dahil dito, nalalaman ng lokal na pamahalaan ang bawat pangangailangan ng kanyang nasasakupan batay sa kanilang estado sa buhay.
“Saludo ang ating Lokal na Pamahalaan ng Bayan sa mga kawani na kabahagi nito na walang sawang naglilingkod ng tapat at nagsasakripisyo para makuha ang wastong bilang at impormasyon ng ating mga kababayan. Salamat po sa inyo at mabuhay kayong lahat!,” pahayag ni Mayor Macalinao.
Ang huling census ng PSA ay isinagawa noon pang taong 2015 kung saan naitala ang 100.8 milyong kabuuan o total population ng Pilipinas at may average na paglago ito ng 1.7% kada taon ayon sa datos ng nabanggit na ahensya.