Isinusulong ni Bataan 1st District Representative Geraldine Roman ang House Bill 2810 na naglalayong magkaroon ng resource development and crisis assistance centers para sa mga kababaihan at kabataang biktima ng pang-aabuso.
Ayon kay Congresswoman Roman, base sa pagsasaliksik, sa Pilipinas ay isa sa apat na kababaihan ang nakakaranas ng pang-aabuso ng asawa.
Dagdag pa ni Roman isa lamang sa tatlong mga Pilipina na nakaranas ng pisikal o sekswal na karahasan, ang humingi ng tulong upang matigil ang nasabing pang-aabuso. Ito ay sang-ayon aniya sa 2017 National Demographic and Health Survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority o PSA.
Sa kabuuan, nasa higit sa 3,600 kaso ng karahasan laban sa kababaihan at bata ang naiulat sa mga awtoridad mula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon noong kalagitnaan ng Marso 2020.
Nito ring Hunyo 2020, nakapagtala ang Philippine National Police (PNP) ng higit 1,400 kaso ng gender-based violence habang naka-lockdown ang bansa dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa datos ng PNP na iniulat ng Philippine Commission on Women sa Kamara, nakapagtala ang pulisya ng 1,425 kaso ng gender-based violence sa buong bansa. Kabilang dito ang karahasan sa mga kababaihan at bata, tulad ng pambubugbog na umabot sa 1,184; 122 kaso ng panggagahasa; at 90 kasong acts of lasciviousness o iba pang uri ng pambabastos.
Ayon pa kay Rep. Roman, ang mga kalamidad, giyera, at sitwasyon ng krisis – kabilang ang mga pandemya – ay nagpapataas sa posibilidad ng karahasan.
“Sa mga panahong katulad nito, nawawalan tayo ng seguridad sa mga mismong bagay na kailangan natin upang mabuhay. Nagdadala ito ng pagkabalisa at kawalan ng katiyakan. Sa sapilitang pagsasama sa isang maliit na lugar, tumataas ang panganib ng karahasan. Panahon na upang magkaroon ng mga safe spaces ang mga kababaihan at bata na biktima ng domestic violence,” ayon pa kay Rep. Roman.
At dahil nga sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng pang-aabuso, naniniwala si Congresswoman Roman na panahon na para magtatag ng resource development and crisis assistance centers sa bawat probinsya at lungsod sa buong bansa para sa mas mabilis at maayos na pagtugon sa mga pangangailangan ng mga nabiktima ng domestic violence.