Ang Bulacan Philippine National Police (PNP) ay nakatutok sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bukas (Lunes, July 25, 2022) na gaganapin sa House of Representatives, Batasang Pambansa Complex, Quezon City.
Ayon kay PCol Charlie Cabradilla, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office (PPO), nasa 242 police personnel ang kaniyang ipinakalat sa mga checkpoints sa buong lalawigan.
Samantala, ang Bulacan Civil Disturbance Management (CDM) contingent na binubuo ng 53 troops mula sa 1st at 2nd Provincial Mobile Force Companies (PMFC) ay nakahanda na rin para umalalay kung kakailanganin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) upang tiyaking maayos at payapa ang gaganaping SONA ni Pangulong Marcos.
Idinagdag ni Cabradilla na lahat ng police units sa lalawigan ay nagsasagawa ng anti-criminality at targeted police operations, gayundin ang pagpapaigting ng checkpoint operations, lalo na sa mga pangunahing lansangan, upang maiwasan ang anumang posibleng mangyari sa nasabing okasyon.
Ang mga kahandaan at response security measures ay inaasahan bilang pag-iingat sa publiko sa anumang potensyal na senaryo, kabilang ang mga rally na isinagawa ng mga militanteng grupo na maaaring magdulot ng pagsisikip ng trapiko na makakaapekto sa daloy ng trapiko sa mga kalsadahan.
Bukod dito, sinabi ni Cabradilla na sinusuportahan ng Bulacan PNP ang karapatan ng lahat ng indibidwal na isagawa ang kanilang kalayaan sa pagpapahayag at ipahayag ang kanilang mga opinyon, ngunit mariing pinipigilan ang publiko na lumahok sa mga demonstrasyon.