LUNGSOD NG MALOLOS- Pansamantalang ipinagbabawal ang tradisyunal na Christmas caroling at iba pang kahalintulad na aktibidad gaya ng Christmas party sa Bulacan mula Disyembre 16, 2020 hanggang Enero 3, 2021 alinsunod sa nakasaad sa Executive Order No. 42, series of 2020 na inilabas ni Gobernador Daniel Fernando upang bigyang regulasyon ang mga tradisyon ng mga Pilipino tuwing Pasko dahil sa kasalukuyang kalagayan ng lalawigan kaugnay ng COVID-19.
Pansamantala rin niyang ipinagbawal ang mga Christmas at New Year party at iba pang katulad na selebrasyon sa anumang tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at mga lokal na pamahalaan sa lalawigan, at hinikayat ang mga pribadong kumpanya, indibidwal, at tanggapan na gawin rin ito.
Samantala, ang Simbang Gabi bat iba pang aktibidad na pangrelihiyon ay pinapayagan sa kondisyon na ang mga gawain ay susunod sa mga probisyon ng IATF Omnibus Guidelines on the Implementation of Community Quarantine in the Philippines with Amendments as of December 14, 2020 para sa mga pampublikong pagtitipon.
Gayundin, pinayagan ni Fernando ang mga family reunion at iba pang katulad na selebrasyon kung ipatutupad ang mga minimum public health standards at hindi ito gaganapin sa mga pampublikong lugar, establisyimento, o venue.
Inatasan na rin ng gobernador si Bulacan Police director Col. Lawrence Cajipe na mahigpit na bantayan ang mga komunidad sa pagsasagawa ng Christmas party at tiyakin na sumusunod ang mga ito sa mga itinakdang health protocols.
Nilinaw ng gobernador na ang mga regulasyon sa mga tradisyon ngayong Pasko na kinalakihan ng mga Bulakenyo ay hindi ginawa upang patayin ang espiritu ng Kapaskuhan ngunit upang pangalagaan pa ang kanyang mga kalalawigan sa mga panganib na maaaring idulot ng COVID-19.
“Batid ko po ang pagnanais nating lahat na maipagdiwang ang Pasko ng sama-sama lalo na ng ating pamilya, ngunit mas magiging masaya po tayo kung darating ang Kapaskuhan na tayo ay ligtas, malusog at kumpleto pa ring sasalubong sa Bagong Taon. Ang tanging magagawa po natin ngayon ay manalangin na sa papasok na taon, lubusan na nating magapi ang ating kalaban, ang COVID-19,” anang gobernador.
Ang EO No. 42 ay karagdagan sa mga nasasaad sa Executive Order No. 38, series of 2020 na nagpapalawig sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) sa Lalawigan ng Bulacan mula 01 hanggang 31 ng Disyembre, 2020.