Pormal na pinasinayahan ang bagong Livelihood Training Center na kaloob ng Citizens Battle Against Corruption (CIBAC) Party-List sa lokal na pamahalaan sa Sta Rita, Guiguinto, Bulacan kamakailan.
Sa naturang inauguration ceremony ay panauhing pandangal si Bro. Eddie Villanueva na siyang first nominee ng CIBAC Party-List kasama sina Cong. Sherwin Tugna at Guiguinto Mayor Ambrosio “Boy” Cruz Jr..
Ayon kay Bro. Villanueva, ang naturang Livelihood Training Center ay pinondohan ng mahigit isang milyon piso ng CIBAC kung saan ang lote nito ay nanggaling sa lokal na pamahalaan.
Ayon kay Mayor Cruz, labis ang pasasalamat ng mamamayang Guiguitenyo partikular na ang Barangay Sta Rita sa pagkakaroon ng nasabing training center.
“Ito ang tunay na serbisyo na may malasakit at may puso sa paglilingkod,” patungkol ng alkalde sa CIBAC Party List.
Pinuri naman ni Bro. Eddie ang pamahalaang bayan ng Guiguinto na pinakamalaki at masigasig sa pag unlad sa pamumuno ni Mayor Boy na aniya’y sana ay dumami pa ang isang Mayor Boy cruz sa lalawigan ng Bulacan at maging sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Layunin ng CIBAC na makapagbigay kakayahan sa mas maraming Pilipino para dumami ang kanilang oportunidad sa trabaho.
Ayon kay Cong. Tugna, ito ay isa lamang sa mahigit 300 na infrastructure projects sa probinsya ng Bulacan at higit 1,000 sa buong bansa.
Idinagdag pa nito na asahan pa ang mas produktibong serbisyo publiko at programang handog ng CIBAC.