BOCAUE, Bulacan — Pinasinayaan ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar ngayong araw ang bagong tayong Ciudad de Victoria Interchange sa North Luzon Expressway o NLEX sa bahagi ng Bocaue.
Ito ang magiging primary gateway papasok at papalabas sa Ciudad de Victoria Tourism Enterprise Zone kung saan matatagpuan ang Philippine Arena, na pagdadausan ng pagbubukas ng 30th South East Asian Games o SEA Games ngayong Sabado, Nobyembre 30.
Bukod sa gagamitin ito sa pagbubukas ng SEA Games, magiging permanenteng alternatibong ruta rin ito para sa mga sasakyan na galing sa northbound lane ng NLEX na papunta sa Santa Maria.
Pwede ring dumaan dito ang mga biyaheng Pandi at Norzagaray na sa mahabang panahon ay nagtitiis sa masikip na daloy ng trapiko sa Bocaue exit at sa Governor Fortunato Halili avenue.
May halagang 260.8 milyong piso ang ginugol sa konstruksyon ng naturang interchange na may apat na linya.