LUNGSOD NG CABANATUAN — Patuloy ang paghahanda ng Commission on Elections o COMELEC Nueva Ecija para sa nalalapit na halalan ngayong Mayo.
Ayon kay Provincial Election Supervisor Jonalyn Sabellano, nananatiling payapa at maayos ang sitwasyon sa lalawigan.
Kamakailan ay idinaos ang panlalawigang unity walk, prayer rally at paglagda sa peace covenant bilang tanda ng pakikiisa ng lahat tungo sa mapayapang pagboto.
Pahayag ni Sabellano, dito makikita ang pagkukusa at pagkakaroon ng malasakit ng mga kandidato na maidaos ng payapa ang eleksyon at bigyang prayoridad ang ligtas na pamayanan.
Bagamat wala pa aniyang maituturing na hotspot areas sa lalawigan ay kinakailangang tutukan pa din ang ilang mga bayan at lungsod na mayroong malaking bilang ng mga botante tulad ng Cabanatuan na mayroong 217,007 registered voters, San Jose na may 99,649 at Gapan na mayroong 87,678 voters.
Kaniya ding ipinahayag na kasama sa mga bibigyang pansin ang malalayong lugar sa probinsiya tulad ng Pantabangan, Carranglan at Gabaldon kung sakaling mangailangan ng teknikal na agapay lalo’t automated ang gagawing pagboto.
Ang tanging paalala naman ni Atty. Sabellano sa humigit 1.46-milyong botante sa lalawigan ay gamitin ang karapata’t pribilehiyong bumoto at pumili ng mga kwalipikadong maglingkod sa bayan.