Commentary: Ang panlipunang gastos ng pag-unlad (Social cost of development)

Tungo sa Mas Matatag na Kooperasyon sa Pagitan ng CDC at mga LGU sa Paligid ng Clark

Buong paggalang at pasasalamat na inihahandog ng Clark Development Corporation (CDC) ang patuloy nitong kontribusyon sa pambansang ekonomiya, kasunod ng kabuuang ₱5.50 bilyong remittance sa anyo ng cash dividends sa nakalipas na tatlong taon. Ang pinakahuling remittance na ₱2.488 bilyon para sa taong 2024 – katumbas ng 71% ng netong kita ng CDC at 38% na pagtaas mula sa nakaraang taon – ay malinaw na patunay ng maayos na pamamalakad at matatag na operasyon ng ahensiya sa ilalim ng pamumuno ng CDC Board na pinangungunahan ni Atty. Ed Pamintuan at ni CDC President Agnes Devanadera.

Kasabay ng mga tagumpay na ito ay ang pag-usbong ng mga hamong kaakibat ng mabilis na urbanisasyon. Ang pagtaas ng pamumuhunan, migrasyon, at paggawa sa loob ng Clark Freeport and Special Economic Zone ay nagdudulot ng karagdagang pangangailangan sa mga serbisyong panlipunan, imprastruktura, pabahay, kalusugan, at kapayapaan sa mga kalapit na Local Government Units (LGUs) tulad ng Capas, Bamban, Mabalacat, Angeles, Porac, Magalang, at San Fernando.

Bagamat nakikinabang ang mga LGU sa positibong epekto ng mga aktibidad sa Clark—kabilang ang buwis at paglago ng negosyo—mas nararamdaman din nila ang mga epekto ng urban pressures tulad ng pagsisikip ng trapiko, kakulangan sa abot-kayang pabahay, at mas mataas na demand sa mga pangunahing serbisyo.

Ang mismong batas na lumikha sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ay malinaw na nagtataguyod ng prinsipyo ng parallel development—isang pananaw na naglalayong tiyakin ang balanseng pag-unlad hindi lamang sa loob ng economic zones kundi maging sa mga komunidad sa paligid nito.

Napalahalagang mapagtibay ang isang mas sistematiko, bukas, at kolaboratibong ugnayan sa pagitan ng CDC at mga LGU na malapit sa sona.

Ang layunin: isang maayos at kapwa kapaki-pakinabang na koordinasyon upang matiyak na ang pag-unlad ng Clark ay tunay na inklusibo at napapakinabangan ng mas nakararami.

Mga Rekomendadong Hakbang:

Pagtutulungan sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyektong pampasigla sa transportasyon at access roads upang mapagaan ang daloy ng trapiko sa mga karatig na LGU ng sona.

Pakikipagtulungan sa LGUs sa pamamahala ng solid waste at pagpapalakas ng mga pampublikong serbisyong pangkalusugan, lalo na sa mga lugar na may mataas na paglago ng populasyon.

Pabahay at Resettlement Initiatives. Paglahok sa mga inisyatiba para sa abot-kayang pabahay, lalo na sa mga manggagawang naninirahan sa labas ng economic zone ngunit nagsisilbi sa loob nito.

Pagsuporta sa Peace and Order Programs. Pagbibigay ng teknikal na suporta at kapasidad sa mga LGUs sa larangan ng seguridad at kaayusan, sa pamamagitan ng mga pagsasanay, kagamitan, at community-based peace initiatives.

Pangwakas na Pananaw

Bilang pangunahing institusyon ng kaunlaran sa Gitnang Luzon, nasa CDC ang natatanging pagkakataon na maging huwaran ng responsableng pag-unlad—isang pag-unlad na hindi nasusukat lamang sa kita o dibidendo, kundi sa lawak ng positibong epekto nito sa mga pamayanan nasa kapaligiran nito.

Sa pamamagitan ng mas bukas na dayalogo, maayos na pagpaplano, at kolaboratibong pagkilos, maaaring maisakatuparan ang layunin ng isang balanse, inklusibo, at pangmatagalang pag-unlad para sa Metro Clark Area.

ALEXANDER CAUGUIRAN FORMER CIAC PRESIDENT

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *