Constitutional Reform Roadshow, idinaos sa Aurora

BALER, Aurora, Nobyembre 28 (PIA) —  Pinangasiwaan ng Department of the Interior and Local Government o DILG Aurora ang pagdaraos ng mga konsultasyon at pagpapalawak ng impormasyon patungkol sa Constitutional Reform o CoRe.

Ayon kay DILG Provincial Director Ofelio A. Tactac Jr., layunin ng aktibidad na maikalat, maipalaganap at maipaunawa ang kagustuhan ng pamahalaang nasyonal na mapalitan ang ilang probisyon sa 1987 Constitution upang mabago ang ilang umiiral na sistema ng pamahalaan sa bansa. 

Aniya, 32 taon na ang 1987 Constitution at napapanahon na upang iayos ang ilang probisyon dito. 

Mayroon aniyang apat na haligi ang nais isulong ng pamahalaan kabilang ang Pagyamanin ang probinsya, paluwagin ang Metro Manila; Gobyerno para sa tao, hindi para sa trapo; Bukas na ekonomiya nang lahat ay may pag-asa; at Bagong konstitusyon para sa bagong henerasyon.

Sa kanyang paliwanag, sinabi ni Tactac na isinusulong ng pamahalaang nasyonal ang mga naturang pagbabago dahil sa nakikitang problema sa pulitika, kakulangan sa kaunlaran ng mga rehiyon at ekonomiya ng bansa at ang hindi sumasapat na pondo ng mga lokal na pamahalaan upang makagawa ng proyekto. 

Aniya, nakapaloob sa unang haligi ng CoRe ang pagbuo ng mga Regional Development Authority o RDA na hahalili sa mga kasalukuyang Regional Development Council at ang pagpapalakas sa mga lokalidad na makapagbigay serbisyo sa mga mamamayan, 

Ang RDA aniya ang tututok sa pagbabalangkas, pagpapatupad at pagsubaybay sa mga programa para sa pagpapaunlad ng mga rehiyon gayundin ang tiyaking tumutupad sa tungkulin ang mga nahalal na mga opisyal at pinuno ng bawat sangay ng pamahalaan. 

Layunin ng pamahalaan na ilapit at mas maramdaman ng taumbayan ang serbisyo ng gobyerno nang hindi na kailangan pang lumuwas ng Maynila upang makahanap ng trabaho o anumang mga pangangailangan. 

Sa ikalawang haligi, nilalayon nitong matigil na ang dinastiya sa pulitika at paunlarin ang demokratikong sistema sa paggawa ng mga patakarang makapanghikayat ng suporta at pakikilahok ng taumbayan. 

Nakapaloob rin dito ang pagkakaroon ng patas na labanan sa pulitika sa pamamagitan ng paghihigpit sa mga pinanggagalingang pondo ng mga pulitiko gayundin ang pagtatatag ng democracy fund para sa mga partidong pulitikal.

Sakop rin nito ang pagbabawal sa pagpapalipat-lipat ng mga kandidato at miyembro ng anumang partido isang taon bago ang eleksyon at isang taon pagkatapos ng eleksyon. 

Sa ikatlong haligi ng reporma, ang bukas na ekonomiya para sa lahat ang mareresolba at matatanggal ng monopolyo sa pagnenegosyo na makatutulong upang mapasigla lalo ang kalakalan sa mga rehiyon at pagkakaroon ng mga trabaho.

At panghuli, isinusulong ng ikaapat na haligi ang reporma sa umiiral na sistema ng gobyerno upang matugunan ang pangangailangan ng kasalukuyang henerasyon. 

Bukod sa media briefing ay nagkaroon din ng mga konsultasyon sa mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan, barangay at mga youth leaders.

Ang roadshow ay alinsunod sa Memorandum Circular No. 52 ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na nag-aatas sa DILG upang pangunahan ang pakalap ng mga saloobin at rekomendasyon hinggil sa CoRe para sa pagsusuri ng Inter-Agency Task Force.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews