LUNGSOD NG PALAYAN (PIA) — Pinangasiwaan ng Department of the Interior and Local Government o DILG Nueva Ecija ang pagdaraos ng mga konsultasyon at pagpapalawak ng impormasyon patungkol sa Constitutional Reform o CoRe.
Ayon kay DILG Provincial Director Renato Bernardino, layunin ng mga aktibidad na maipalaganap at maipaunawa ang ninanais ng pamahalaang nasyonal na pagbabago sa umiiral na sistema ng gobyerno sa bansa.
Aniya, mula sa 1987 Constitution ay mayroong apat na haligi ang nais isulong kabilang angPagyamanin ang probinsya, paluwagin ang Metro Manila; Gobyerno para sa tao, hindi para sa trapo; Bukas na ekonomiya nang lahat ay may pag-asa; at Bagong konstitusyon para sa bagong henerasyon.
Ito ang ipinaliwanag ni DILG Nueva Ecija Cluster Team Leader Dennis Daquiz sa mga mamamahayag sa lalawigan sa idinaos na media briefing patungkol sa naturang usapin.
Aniya, isinusulong ng pamahalaang nasyonal ang mga naturang pagbabago dahil sa nakikitang problema sa politika, kakulangan sa kaunlaran ng mga rehiyon at ekonomiya ng bansa at ang hindi sumasapat na pondo ng mga lokal na pamahalaan upang makagawa ng proyekto.
Kung kaya’t nakapaloob sa unang haligi ng CoRe ang pagbuo ng Regional Development Authority o RDA sa bawat rehiyon sa bansa at ang pagpapalakas sa mga lokalidad nang makapagbigay serbisyo sa mga mamamayan,
Ang RDA aniya ang tututok sa pagbabalangkas, pagpapatupad at pagsubaybay sa mga programa para sa pagpapaunald ng mga rehiyon gayundin ay upang tiyaking tumutupad sa tungkulin ang mga nahalal na mga opisyal at pinuno ng bawat sangay ng pamahalaan. Ito ang siyang hahalili sa kasalukuyang mga Regional Development Council.
Pahayag ni Daquiz, layunin ng pamahalaan na ilapit at mas maramdaman ng taumbayan ang serbisyo ng gobyerno nang hindi na kailangan pang lumuwas ng Maynila upang makahanap ng trabaho o anumang mga pangangailangan.
Nakapaloob naman sa ikalawang haligi, ang gobyerno para sa tao hindi para sa trapo na nilalayong matigil na ang dinastiya sa pulitika at paunlarin ang demokratikong sistema sa paggawa ng mga patakarang makakapang-engganyo ng suporta at pakikilahok ng taumbayan.
Nakapaloob din aniya rito ang pagkakaroon ng patas na labanan sa pulitika sa pamamagitan ng paghihigpit sa mga pinanggagalingang pondo ng mga pulitiko gayundin ay pagtatatag ng democracy fund para sa mga partidong pulitikal.
Sakop din nito ang pagbabawal sa paglipat ng mga kandidato at miyembro ng anumang partido isang taon bago ang eleksyon at isang taon pagkatapos ng eleksyon.
Samantala, prayoridad bilang nasa ikatlong bahagi ng reporma ang bukas na ekonomiya para sa lahat na layong maresolba at matanggal ang monopolyo sa pagnenegosyo na makatutulong upang mapasigla lalo ang kalakalan sa mga rehiyon at pagkakaroon ng mga trabaho.
Panghuli ay kinakailangan ang reporma sa umiiral na sistema ng gobyerno upang matugunan ang pangangailangan ng kasalukuyang henerasyon.
Bukod sa media briefing ay nagkaroon din ng mga konsultasyon sa mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan, barangay at mga youth leaders. (CLJD/CCN-PIA 3)