LUNGSOD NG MALOLOS- Pormal na binuksan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang sarili nitong GeneXpert laboratory ng Bulacan kung saan uumpisahan ang pagsusuri sa mga pasyenteng may COVID-19 simula Huwebes.
Ininspeksyon ni Gob. Daniel Fernando ang laboratoryo na nasa loob ng Bulacan Medical Center kamakalawa upang masiguro na nasa ayos ang lahat bago ito tumanggap ng mga sample.
“This facility will help us hasten the testing process para mas madali nang ma-identify ‘yung mga positive at mapagbuti ‘yung contact tracing. The purpose of testing is to separate and quarantine those who have contacted the virus from the bigger population that do not have it. We will have a better picture of the extent, severity and location of those infected and can act accordingly to safeguard the public,” ani Fernando.
Sinabi naman ni Dr. Hjordis Marushka Celis, Provincial Health Officer II na mamumuno sa laboratoryo, na lahat ng staff na tatao sa lugar ay nagsanay sa biosafety at biosecurity at GeneXpert, at pumasa sa mga pagsusulit.
“Bulacan is very fortunate to have this kind of facility at tayo lang ang isa sa pinakaunang nagkaroon nito sa buong rehiyon kasi ang requirement ay dapat BSL2, ang laking tulong nito sa pag-test. The license was issued last June 19, but was emailed to us June 20,” pahayag ni Celis.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Dr. Bernadette Espiritu, pathologist sa laboratoryo, ang gawain ng nasabing makina na makapaglalabas ng resulta sa loob ng 45 na minuto.
“Ang ginawa namin kung sino ‘yung nagsasample prep hindi siya ‘yung pupunta sa GeneXpert na tinatawag na rapid PCR kasi the principle is actually PCR, automated naman siya lahat. Ang maganda dito ‘yung fear of contamination mo very minimal kasi pagdating sa sample niloload mo na lang siya, meron siyang 4 modules, since 45 minutes lang ang running time, technically 48 ang magagawa natin everyday, ang running namin is 12 hours,” ani Espiritu.
Pagmamay-ari na ng lalawigan ang nasabing makina noon pang 2015 na nagsusuri sa mga pasyenteng multidrug-resistant sa tuberculosis at inaasahan na may isa pang darating mula sa Department of Health.
“It’s only the DOH na merong ganitong cartridge kaya ‘di natin kailangan bumili, binibigay lang kasi kasama sa program nila, so the more na cartridges na nagamit namin mas marami ‘yung ibabalik nila samen, mabilis siya kasi ‘pag sinabi n’yang negative it’s really negative ‘pag positive talagang positive, connected na rin ‘yung printer. Diba maraming OFW na stranded, they can avail of this mas mabilis kesa sa pipila pa sila sa PCR,” paliwanag ni Espiritu.
Aniya, bukod sa mga swab sample ng COVID-19, patuloy silang nagsusuri ng iba pang sakit sa tulong nito.
“Hindi namin pababayaan ang TB kasi maraming MDR, kaya dinivide namin ang sched kasi sa totoo lang GeneXpert started with TB, tinetest din ang HIV, Hepa B and C. Dito kasi makikita mo siya kasi very sensitive ‘yung GeneXpert,” pagtatapos ni Espiritu.