DINALUPIHAN, Bataan — Pinalalawak na ng pamahalaang bayan ng Dinalupihan ang pagsusuri sa mga kaso ng coronavirus disease o COVID-19.
Ayon kay Mayor Maria Angela Garcia, natapos na ang pagsasanay ng mga kawani ng Municipal Health Office at Rural Health Units o RHUs maging ang mga medical technologists sa bayan para sa swabbing protocol ng Provincial Health Office.
Kaugnay nito, pinahayag ni Garcia na nakapagpatayo ng tatlong swabbing booths na matatagpuan sa RHU 2, RHU 3, at sa isang isolation facility sa bayan.
Ani pa ng alkalde, pumirma sa magkahiwalay na kasunduan ang pamahalaang panlalawigan ng Bataan sa Philippine Red Cross at ang Bataan General Hospital and Medical Center sa Jose B. Lingad Memorial General Hospital upang mas madaming tests ang masagawa at para makita ang tunay na bilang ng mga residente na may COVID-19.
Sa ganitong pamamaraan, tiniyak ni Garcia na agad na maihihiwalay at mapapagaling ang mga kumpirmadong kaso.
Dagdag pa niya na sa ganitong istratehiya ng pagbubukod sa kanila, mababawasan ang posibilidad na sila ay makahawa at unti-unti nang mabubuksan ang ekonomiya ng bayan.
Sa ulat ng pamahalaang bayan ngayong araw, nananatiling anim ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Dinalupihan.
Wala nang aktibong kaso sa lugar matapos maka-recover ang limang pasyente samantalang ang isa naman ay pumanaw na.
Sa kasalukuyan, nasa 180 na ang bilang ng mga nasuri sa bayan kung saan 142 ang nagnegatibo. Nasa 33 naman ang bilang ng wala pang resulta.
Sa localized targeted mass testing naman na isinasagawa ng pamahalaang bayan, anim na ang nagnegatibo mula sa 38 na nasuri.
Kabilang sa mga kinuhanan ng swab samples ang mga frontline workers tulad ng Barangay Health Emergency Response Teams, health workers ng pamahalaang bayan, at mga unipormadong personel ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa Dinalupihan.
Patuloy na hinihiling ni Garcia ang ibayong pang-unawa at kooperasyon mula sa kanyang mga nasasakupan sa pagsunod sa mga pinapatupad na mga alituntunin ng pamahalaang bayan laban sa COVID-19.