COVID-19 vaccination roll-out sa Pantabangan, patuloy

Nasa 272 na ang nabakunahan kontra COVID-19 sa bayan ng Pantabangan sa Nueva Ecija.

Ayon kay Municipal Health Office o MHO Chief Leslie Daileg, kabilang sa mga nabakunahan na ang 121 na mga healthcare workers at 151 na mga senior citizens na nakatanggap ng AstraZeneca at Sinovac. 

Aniya, nagsimula ang roll-out ng COVID-19 vaccination sa Pantabangan noong Marso 26 batay sa priority listing na mula sa Department of Health. 

Pahayag ni Daileg, mayroon pang kumulang 100 doses ng Sinovac na patuloy na ipamamahagi sa mga indibidwal na kabilang sa priority group. 

Ang kaniyang panawagan sa mga kababayan ay ang laging pagsunod sa mga health protocol upang patuloy na mapababa ang bilang ng nagkakasakit sa munisipyo.

Ibinalita din ni Daileg na mahigpit ang tagubilin sa mga opisyales sa mga barangay hinggil sa pagbabantay sa mga pumapasok o dumadayo sa bayan upang maglibot.

Aniya, ipinagbabawal muna pansamantala ang paglilibot sa mga tourist destination o pagdaraos ng anumang tourism activities sa Pantabangan.

Kaniya ding hinihikayat ang mga umuuwing kababayan galing sa mga high risk areas at ang mga nasasakupang nakararanas ng sintomas ng COVID-19 na sumangguni sa mga nakasasakop na Barangay Health Emergency Response Team upang masuri at magabayan sa mga dapat na gawing hakbang kontra sa pagkalat ng nakahahawang sakit.

Sa datos na MHO ay nasa 13 na ang naitatalang COVID-19 confirmed cases sa buong bayan na sa kasalukuyan ay mayroon na lamang tatlong aktibong kaso. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews