COVID-19 vaccination sinimulan na sa Meycauayan

Sinimulan na ng City Government of Meycauayan ang COVID-19 vaccination program o pagbabakuna kung saan 88 frontline health workers mula sa Meycauayan Doctors Hospital (MDH) ang unang isinalang na kabilang sa 182 nagparehistro upang mabakunahan ng Aztraseneca vaccine nitong Miyerkules.

Ang natirang kick-off activity ng Covid-19 vaccine roll-out sa Meycauayan ay pinangasiwaan nina Ruby Ann Solo at Wrenz Gerald Agustin, kapwa MDH staff nurse na sinaksihan nina City Mayor Linabelle Ruth Villarica at City Health Officer Dr. Abelardo Bordador.

Ang unang tumanggap ng bakuna ay si MDH Director Dr. Cesaro Ira, 72 years old kung saan isinagawa ang pagbabakuna sa covered court ng Marymount Professionals Colleges na nasa MDH compound sa Banga, Meycauayan City.

Ayon kay Villarica, top priority recipients ng nasabing bakuna ay ang mga frontline health workers sa MDH na susundan naman ng mga frontliners sa Nazarenus Hospital at Marymount Hospital na mayroong kabuuang bilang na 664 na health workers.

Nabatid na mayroon pang 983 na frontline health workers ang city government of Meycauayan sa bahagi ng lokal na lungsod.

Magugunita na ang unang doktor na binakunahan sa lalawigan ng Bulacan mula sa Sinovac vaccine ay si Dr. Hjordis Marushka Celis, chief of the BMC and Provincial Health Officer II at sina Dr. Jose Emiliano Gatchalian, BMC Hospital Training Officer at Alma Villena, BMC Nurse Supervisor na ginanap early this month.

Samantala, nagpalabas naman ng panibagong Executive Order si Governor Daniel Fernando kaugnay ng tumataas na bilang ng kaso ng covid sa probinsiya at maging sa buong bansa.

Nilalaman ng nasabing EO ay “enjoining strict monitoring and compliance with minimum public health standards” na epektibong simula sa March 17-April 17, 2021.Kasabay ng pagpapalabas ng executive order, pansamantalang isinara nitong Martes ng tanghali hanggang Miyerkules ang provincial capitol para bigyan daan ang pagsasagawa ng disinfection sa gusali.

Napagalaman na dalawang security guards ang nagpositibo sa Covid habang 4 pang kasamahan nito ang isinailalim sa home quarantine.

Kabilang din sa EO ni Fernando ay ang derektiba nito sa kapulisan na paiigtingin ang pagbabantay sa mga indibiduwal na lumalabag sa minimum health  and safety protocols.

Pinahihigpitan din ng gobernador ang mga border quarantine checkpoints partikular na sa mga critical areas lalo na sa entry/ exit ng Bulacan-Manila.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews