COVID-19 vaccine roll-out sa Nueva Ecija, sinimulan na

LUNGSOD NG CABANATUAN, Marso 8 (PIA) — Sinimulan ngayong araw ang pagbibigay ng libreng bakuna kontra COVID-19 sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center o Dr. PJGMRMC.

Ayon kay Dr. PJGMRMC Medical Center Chief Huberto Lapuz, nasa 646 na mga health practitioners at mga kawani ang nagpahayag at nagnais makatanggap ng bakuna.

Aniya, mapalad ang ospital na mapabilang sa mga naging prayoridad na nabigyan ng paunang 721 doses ng bakunang Sinovac na ipamamahagi sa mga kawaning doktor, nars, non-medical, housekeeping staff at security guard.

Pahayag ni Lapuz, napakahalagang magkaroon ng bakuna kontra COVID-19 na nakikitang solusyon at matibay na sandata upang maiwasang dumami pa ang bilang ng mga nasasawi nang dahil rito. 

Aniya, dapat maunang mabakunahan ang mga kagayang healthcare worker upang magkaroon ng proteksyon at mapangalagaan ang sarili sa direktang pangangalaga sa mga may sakit.

Paglilinaw ni Lapuz, hangad nila na mabakunahan ang lahat ng mga kawani ngunit may iilang hindi kwalipikado para sa natanggap na bakunang Sinovac partikular ang mga kagaya niyang nasa edad 59 pataas.

Bawal din aniyang mabigyan ng nasabing bakuna ang mga nakararanas ng sintomas at mga nakasalamuha ng COVID-19 patients batay sa protocol o guidelines na kinakailangang sundin.

Ayon pa kay Lapuz, kahit nakatanggap na ng bakuna ay kinakailangang pa din ang ibayong pag-iingat gaya ang pagsunod sa health protocol na pagsusuot ng face mask at face shield, palagiang paghuhugas ng mga kamay, pagsasagawa ng disinfection at social distancing. 

Isa sa mga nangunang nagpabakuna ay si Andrew Mangiluyos na hepe ng Dr. PJGMRMC Allied Health Professional Staff at kasalukuyang tagapangasiwa ng COVID-19 facility.

Nais niyang magbigay inspirasyon sa mga kapwa healthcare worker at iba pa na hangad ay huwag masayang ang vaccination program o ang mga natatanggap na tulong upang magkaroon ng proteksyon laban sa COVID-19. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews