Sa darating na April 29, Sabado, gagawin ang pinakahihintay na ‘Sisig Fiesta’ sa tabi ng dating Angeles Train Station na tinaguriang “Crossing” ng mga nakatatanda.
Kung bakit naging “Crossing” ang lugar sapagkat ang mga tren ng dating Philippine National Railways o PNR ay dumadaan sa tabi ng dating Marissa Drug Store. Kung kaya ang bansag na “Crossing” diyan sa may Sta Teresita.
Napakahalaga sa kultura hindi lamang ng mga Angelenos kundi ng buong Kapampangan ang “Crossing” dahil dito nakilala ang pinagpipitagang “sisig” na pisngi ng baboy at mga ihawan ng barbeques mula pa noong dekada 70s.
Ang “Crossing” ay dinadayo ng mga malalaking tao at mga banyaga upang matikman ang “sisig” ng mga open stalls sa tabi ng riles ng tren. Sariwa pa sa aking alaala ang mga barbeque stalls na sabay sabay na nag iihaw ng mga chicken barbeque.
Nalungkot din naman ako dahil ang mga barbeque stalls noon ay biglaang nawala kabilang na dito ang kay Aling Lucing na nagpasikat sa orihinal na “sisig.” Nakita ko ang sakripisyo ni Aling Lucing sa kanyang munting tindahan ng sisig sa may “Crossing”. Ang tindahan ni Aling Lucing ay nandoon pa rin sa harapan ng orihinal na tindahan ng mga sisig at barbeque.
Nalulungkot din ako dahil an gating orihinal na “sisig” ay kinokopya ng mga taga Maynila at iniba ang mga sangkap. Sa Maynila, sinubukan ko ang “sisig” na nilagyan ng mayonnaise at itlog. Napakasama po ng lasa sapagkat hindi ito ang “sisig” sa aking pagkakaalam. Ang “sisig” na nilagyan ng mayonnaise ay sumisira sa orihinal na konsepto ng Kapampangan sisig.
Ilang taon pa ang lumipas, ang “Crossing” ng aking kabataan ay wala na. Karamihan sa mga stalls ay nilagyan ng mga nagpapa-table na babae at tuluyan ng nawala ang isang family-oriented na kainan.
Sa Sabado, muli ay mabubuhay ng panandali ang ‘Crossing’ ng aking kabataan. Sa wari ko, dapat buhayin ng permanente ang mga barbeque stalls sa may ‘Crossing’ dahil isa ito sa mga landmarks ng Angeles City. Sigurado ako na muling sisigla ang komunidad malapit sa ‘Crossing.’ Maaring buhaying ang isang konsepto na “Sisig Food Park” kasabay sa pag-usbong ng mga food parks sa Pampanga.
Ayon sa palimbagang New York Times, ang “sisig” ay siyang “best pork dish” sa buong mundo.
Tara na sa Sisig Fiesta. Sa Sabado na!