CSFP, kabilang sa finalists para sa Most Business Friendly Local Gov’t

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Itinanghal ng Philippine Chamber of Commerce and Industry o PCCI ang Lungsod ng San Fernando bilang isa sa mga finalist para sa Most Business-Friendly Local Government Unit Awards.

Napili ang lungsod sa pagsisikap nitong mapanatili ang mabilis na transaksyon para sa mga negosyante sa gitna ng kasalukuyang pandemya. 

Sa balidasyon ng PCCI, tinalakay ni Mayor Edwin Santiago ang pinakamahuhusay na kasanayan ng lungsod sa pagtugon sa epekto ng coronavirus disease o COVID 19 sa sektor ng pagnenegosyo. 

Kabilang sa mga inisyatibo ng lungsod ang paglikha ng mga polisiya upang protektahan ang kalusugan at kaligtasan ng mga establisimyento at mga nagtatrabaho sa lungsod. 

Samantala, lumikha din ang Sangguniang Lungsod ng mga ordinansa at resolusyon patungkol sa  tax amnesty at pagpapalawig ng mga deadline para sa pagbabayad ng iba’t ibang buwis.

Ayon kay Santiago, tuluy-tuloy ang kabuhayan, hanapbuhay, at gawaing pang-ekonomiya sa lungsod sa gitna ng pandemya na naging possible dahil sa maingat na pagpaplano at pagpapatupad ng programa tungo sa pagbangon ng ekonomiya sa lungsod. 

Ayon naman kay City Business License and Permit Division Chief Joseph Garcia, nananatiling masigla ang ekonomiya dahil sa pagpaparehistro ng mga bagong negosyo at pagrerenew ng mga dati ng negosyo. 

Ayon sa tala ng lungsod, mula Marso hanggang Setyembre, 706 bagong negosyo ang nairehistro sa lungsod, habang 354 ang nagpa-renew ng negosyo.

Samantala, 275 naman ang nagsara, ngunit mas kakaunti ito kumpara sa 517 na mga negosyong nagsara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Ayon kay Garcia, tinulungan ng lungsod ang mga nagsarang negosyo na unti-unting magbukas para makapagpatuloy sa magbibigay ng hanapbuhay sa iba. 

Kasama rin sa presentasyon ng lungsod ang mga programa nito upang mapanatiling matatag ang mga maliliit na negosyo sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng tulong pinansyal at mga  materyales, sa tulong na rin ng iba pang mga ahensya ng pamahalaan.

Layunin ng PCCI LGU Awards na kilalanin ang inisyatibo ng mga lalawigan, munisipalidad, at lungsod sa pagsusulong ng mga reporma na magbibigay daan sa paglago ng ekonomiya.

Noong 2016, ginawaran ng PCCI ang Lungsod ng San Fernando bilang Hall of Fame awardee para sa nasabing kategorya. 

Iaanunsyo ang magwawagi sa nasabing patimpalak sa Oktubre 7 hanggang 8 kasabay ng Philippine Business Conference at Expo. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews