Hindi pa handa ang Lungsod ng San Jose Del Monte sa Bulacan na maging Highly Urbanized City (HUC) kaya naman tutol ang mga residente rito dahil sa wala pang itong kakayahan na humiwalay sa lalawigan ng Bulacan bilang isang fully independent city.
Sa panayam kay CSJDM District 2 City Councilor Romeo Agapito, ang Plebesito ay gaganapin kasabay ng nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Election sa Oktubre 30, 2023 hinggil sa planong ihiwalay ang CSJDM sa provincial government ng Bulacan.
Ayon kay Agapito, mahigpit niyang tinututulan ang pagiging isang highly urbanized city ang kanilang lungsod kabilang na rin ang nasa 70% mga residente rito na hindi rin aniya pumapabor na maging isang ganap ito na idependent city.
Ilan sa mga dahilan upang hindi angkop na maging HUC ang CSJDM ay dahil sa hindi kakayanin ng mga residente rito ang magiging mataas na singil sa buwis gayong wala naman trabaho ang nasa 60% na San Joseños.
Maggdudulot aniya lalo ng pahirap sa mga residente rito ang pagtaas ng mga buwis oras na maging HUC ang lungsod.
Kulang din ang lungsod sa mga industrial at pabrika na siya sanang pagkukuhanan ng trabaho ng 72% mahihirap na residente rito na pawang mga low income earners at mga dayuhan relocatees na nagsisimula pa lang mamuhay sa CSJDM.
Ayon kay Agapito, mawawala rin lahat ang mga insentibo at benepisyo ng mamayang San Joseños partikular na ang mga mother leaders, barangay health workers, Lingkod Lingap sa Nayon (LLN) volunteers na umaasa rin buhat sa suporta ng provincial government.
Tiniyak ni Agapito na sakaling maging ganap na HUC ang Lungsod ng SJDM ay mapuputol nang lahat ang mga tulong suporta mula sa kapitolyo na magdudulot ng dagdag pahirap sa kanilang mga kababayan.
Sinabi ni Agapito na P1.9-bilyon ang mababawas na pondo sa lalawigan ng Bulacan kapag naging HUC ang CSJDM na siya namang pinakikinabangan ng mga residente ng lungsod buhat sa mga suporta na nanggagaling sa kapitolyo.
“Ang Lungsod ng SJDM karamihan sa mga naninirahan dito ay nagtatarabaho sa mga karatig-bayan ng Sta. Maria, Marilao, Meycauayan City, Quezon City, Manila, Pampanga, Cavite at Laguna na dapat sana ay dito sa sariling bayan makakuha ng trabaho,” giit ni Agapito.
“Aalisin nila sa amin ang pagiging isang Bulakenyo kapag tuluyan nang mahiwalay ang CSJDM sa lalawigan ng Bulacan,” sentimyento ni Agapito.
Ang itinakdang “Yes” or No” vote sa darating na BSKE 2023 ay alinsunod sa Proclamation No. 1057 na naging ganap na batas noong Disyembre 4, 2020 na nilagdaan ng noo’y Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay makaraang maabot ng city government ng SJDM ang mga pamantayan para maging independent city kabilang na ang dapat ay P50-milyon pataas na annual income at 200,000 population requirement sa ilalim ng Section 452 of Republic Act (RA) No. 7160 or the “Local Government Code of 1991.
Ang CSJDM ay mayroong 651,813 residente na siyang largest population sa 4 na component cities and 20 municipalities. Ito ay 17.5% buhat sa 3.7-milyon na total population sa buong lalawigan ng Bulacan.
“Hindi lang ang P50-milyon annual income at 200K populasyon ang batayan.. dapat pang pag-aralan kung sapat na ba yun, kaya ba ng mamamayan ang responsibilidad? Hindi pa po handa ang CSJDM pa maging fully independent city. Ang CSJDM ay NO to HUC!,” pagtatapos ni Agapito.