Cyber libel isinampa laban sa isang Barangay Kapitan sa Hermosa, Bataan 

Nahaharap sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 (R.A. 10175) ang isang punong barangay sa Hermosa, Bataan.

Base sa sinumpaang salaysay ng nagreklamo na humiling sa media na huwag nang ilathala ang kanyang pangalan, kinilala ang Barangay Kapitan na si Carlos Waje alias Boyet ng Barangay San Pedro, Hermosa, Bataan.

Nag-ugat ang reklamo sa isa umanong “malisyoso at mapanirang” Facebook post noong Nobyembre 2021 na nagsasaad ng “Sabi ni MARITES MAGBAYAD KA NG UTANG 10K nag awas ka lang daw 2500 kaya sabi ni MARISA napakawalang hiya mo… DAW KATAWA nmin.” “Wag PILITIN Ang Ayaw sau masyado Kasi Mahal un sau 2k lang kami 3days pa super saya saka may lasa Ang mga food magalang pa Ang Driver saka may choice kami mamili.”

Ayon sa complainant, dumaan ang reklamo sa tamang proseso mula sa barangay level at hindi umano nagpakita sa tatlong imbitasyon ng barangay ang inirereklamong kapitan kaya’t napilitan umano siyang ikayat na ito sa Bataan Provincial Prosecutor’s Office hanggang sa makarating aniya ito sa Korte.

“Ginawa ko po ito para huwag na po niyang ulitin ang manira ng iba, ang pangit po kasi nang magpost po siya ng hindi maganda sa kapwa niya. Kung hinarap niya po ako sa barangay hindi na po kami aabot dito,” sabi pa ng complainant.

Kasama si Greg Refraccion ng Philippine Daily Inquirer ay nilapitan ng reporter na ito sa Hall of Justice si Kapitan Boyet Waje subalit tumanggi na siyang magpaunlak ng panayam.

Sa harap ng kanyang mga kasamang babae sa Bulwagan ng Katarungan ay malumanay na sinabi pa nito na, “Hindi na ako magpapa-interview, hindi maganda yung naging unang karanasan ko sa media.”

Si Kapitan Waje ay dati na ring kinasuhan ng isa niyang kabarangay pero ayon sa kanya ay na-dismissed na ito.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews