Dagdag na 111,471 doses, ibabakuna sa 55,735 pang Bulakenyo

Madadagdagan ng 55,735 na prayoridad na mga Bulakenyo ang mababakunahan ngayong sunud-sunod ang pagdating ng 111,471 doses pang mga bakuna laban sa COVID-19.

Sa loob ng nasabing bilang, 76,801 doses ng mga bakunang AstraZeneca ang ibinaba ng Department of Health (DOH) sa Bulacan Vaccination Center na nasa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos.

Ayon kay Patricia Alvaro, tagapagsalita ng Provincial Health Office (PHO), nagmula ito sa bahagi ng donasyon ng COVID-19 Vaccines Global Access (COVAX) facility ng World Health Organization (WHO). Ang 34,670 doses naman ay ang bakunang Sinovac na bahagi ng binili ng pamahalaan ng Pilipinas sa People’s Republic of China.

Ipinaliwanag ni Alvaro na nangangahulugan ang sunud-sunod na pagdating ng mga bakuna, ay magpapabilis ng bakunahan upang matiyak na makamit ang 70% na herd immunity bago matapos ang taong 2021.

Mula nang magsimula ang bakunahan sa Bulacan noong Marso 8, 2021, nasa 56,875 na mga Bulakenyong nasa prayoridad na mga sektor ang nababakunahan ng unang dose at 13,731 na sa kanila ang nakapag bakuna ng pangalawang dose.

Kabilang dito ang mga nasa A1 o medical at hospital staff frontliners na 27,719 na ang nakapagpabakuna ng unang dose at 6,338 sa kanila ang nakapag pangalawang dose.

Nasa 16,593 naman ng mga senior citizens na nasa A2 ang tumanggap na ng unang dose at 1,635 sa kanila ang nakakumpleto na ng pangalawang dose.

Sa A3 priority na kinapapalooban ng mga adults na may comorbidities o iyong nakakaranas ng iba’t ibang karamdaman, 11,267 ang nakapagpabakuna ng unang dose at 4,930 ang nakakumpleto na. Pwede pang bakunahan ang mga nasa sektor na ito na hindi pa nababakunahan.

Sinimulan na rin sa Bulacan ang pagbabakuna sa mga nasa A4 priorities kung saan 66,361 ang target. Sa loob ng bilang na ito, 1,292 ang nabakunahan ng unang dose habang 828 sa kanila ang tapos na sa pangalawang dose

Nakapaloob sa A4 ang mga nasa sektor ng commuter transport, public at private market vendors, workers sa manufacturing ng pagkain, beverages, medical at pharmaceutical products; mga nasa food retail kung saan kasama ang mga food service deliveries; frontline workers sa financial services in private at government; mga nasa hotels and accomodations; mga pinuno ng iba’t ibang relihiyon; mga security guards at mga nasa media sa private at government.Samantala, may apat namang nasa A5 priority ang nabakunahan na sa lalawigan sa target na 251,496. Sila ang sektor na nakatala sa National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews