FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija — Dalawang miyembro ng New People’s Army o NPA ang sumuko kamakailan sa tanggapan ng 91st Infantry Battalion.
Ayon kay 91st IB Commander Lieutenant Colonel Reandrew Rubio, ang mga naturang indibidwal ay titiyaking maayos na pakikitunguhan at dadaan sa mga pagsusuri upang makakuha ng tulong pinansiyal at kabuhayan mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP.
Kabilang sa mga sumuko ay sina alyas BM/Diane/Pil at alyas Jay/Uri na mga miyembro ng Platoon Dos ng Kilusang Larangang Sierra Madre.
Katuwang ng mga kasundaluhan sa matagumpay pagsuko ng mga dating rebelde ang Nueva Ecija Police Provincial Office at Criminal Investigation and Detection Group – Nueva Ecija.
Samantala, isang supporter o contact ng NPA din ang sumuko sa mga kasundaluhan ng 84th Infantry Battalion at mga kapulisan sa bayan ng Aliaga.
Ito ay kinilalang si alyas Jojo na tumutulong sa mga isinasagawang operasyon ng mga rebelde sa lalawigan at mga karatig lugar gaya Pangasinan, Bulacan, at Nueva Vizcaya simula pa taong 2000.
Sa kanyang pagsuko ay kanya ding isinumbong sa otoridad ang kinalalagyan ng mga armas na pampasabog na nakatanim sa bukirin ng barangay Eustaquio sa Aliaga.
Kinumpirma ng mga kapulisan at kasundaluhan ang mga narekober na walong pirasong M203 ammunitions, isang MK2 grenade, at isang M67 grenade.
Sa isang pahayag, sinabi ni 7th Infantry Division Commander Major General Lenard Agustin na ito ay resulta ng pagtutulungan ng mga sangay ng pamahalaan bilang tugon sa isinasaad ng Executive Order No. 70 na wakasan ang mga isyu at suliraning dulot ng mga komunista at armadong grupo sa bansa.
Kaniya ding pinuri ang gampanin at pagtutulungan ng mga kapulisan at mga kasundaluhan sa pagsasagawa ng mga hakbang kontra terorismo.