BALANGA CITY – Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang House Bill No. 6338 na iniakda ni Bataan 2ndDistrict Congressman Jose Enrique “Joet” Garcia III at Senate Bill No. 1843 ni Senator Sonny Angara.
Kinumpirma ito nitong Martes ni Bataan 2ndDistrict Representative Jose Enrique “Joet” Garcia III sa kanyang “Ulat sa Bayan” sa kanyang Facebook Page.
“Higit na pinapalakas ng SEAL OF GOOD LOCAL GOVERNANCE ACT (Republic Act 11292) ang pagbibigay prayoridad sa mataas na antas ng paninilbihan at pamamahala ng mga Local Government Units (LGUs) lalo na sa usapin ng kalusugan, edukasyon, kalikasan, kabuhayan, pananalapi, turismo, sakuna, kapayapaan, at seguridad,” sabi pa ni Garcia.
Dagdag pa ng mambabatas, patuloy na magpapatupad ng mga polisiya at programa para sa pag-unlad ng bayan na naayon sa SGLG ang mga LGUs.
Bukod dito, aniya, makakatanggap ng mga pabuya ang mga LGUs upang makatulong sa pagbibigay ng benepisyo at serbisyo sa kanilang mga nasasakupan.
Samantala, naisabatas na din ang House Bill No. 4700 na isinulong din ni Cong. Joet Garcia at Senate Bill No. 2172 ni Sen. Sonny Angara.
Ani Garcia sa panayam ng local media, bilang mahalagang kaagapay ng SGLG Act, ang layunin naman ng COMMUNITY-BASED MONITORING SYSTEM (CBMS) ACT ay ang magkaroon ng mas kalidad at mas akma na pagpapalano, pagpapatupad, at pagsusuri ng mga serbisyo, polisiya at programa sa ating bayan lalo na ang patungkol sa pagpapataas ng antas ng kabuhayan at pag-ahon sa kahirapan.
Ang CBMS ay ang sistematikong pagkolekta ng datos mula sa barangay, lungsod, at munisipalidad na kasalukuyang pinapatupad ng higit 50% ng mga LGUs sa buong Pilipinas.
“Sa pamagitan ng wasto at napapanahon na impormasyon mula sa CBMS, magiging angkop ang mga plano at programa ng pamahalaan para sa mas mabilis na serbisyo lalo na sa mga nangangailangan sa pamayanan,” ani Rep. Garcia.