ANAO, Tarlac — Namahagi ang Department of Agrarian Reform o DAR ng Certificate of Land Ownership Award o CLOA sa may 16 benepisyaryong magsasaka sa bayan ng Anao.
Personal na iniabot ni Agrarian Reform Secretary John Castriciones sa mga benepisyaryo ang mga titulo na sakop ang higit anim na ektaryang lupain.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Castriciones na patuloy na tutulong ang DAR sa mga magsasaka na maituturing na tunay na bayani ng bansa dahil sa pagbibigay nila ng pagkain at kaginhawaan sa mamamayang Pilipino.
Paalala naman ng kalihim, pagyamanin at huwag ibenta o isangla ang mga lupang hinintay nila sa loob ng maraming taon.
Samantala, ipinahayag ni Mayor Rafael Naral na 90 porsyento na ng mga magsasaka sa kanilang bayan ang nakatanggap na ng titulo ng lupa habang 10 porsyento na lamang ang naghihintay na matapos ang pagpo-proseso sa kanilang isinumiteng mga dokumento.
Ayon sa alkalde, bukod sa suportang ibinibigay sa pagpo-proseso ng kanilang CLOA, naglalaan din ng pondo ang lokal na pamahalaan para sa binhi, abono at iba pang gastusin ng mga magsasaka.
Bahagi ng programang “The PaSSOver: ARBOld Move to Heal as One Deliverance of our ARBs from the COVID-19 Pandemic” ang pamamahagi ng titulo ng lupa sa mga magsasaka.