LUNGSOD NG CABANATUAN — Patuloy ang pagpo-proseso ng Department of Agrarian Reform o DAR ng mga titulo ng lupa upang ipagkaloob sa mga magsasaka.
Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer I Jocelyn Ramones, bagamat nananatili ang krisis na nararanasan dulot ng COVID-19 ay tuluy-tuloy ang pagpo-proseso ng mga titulo ng lupa na matagal ng sinasaka ng mga magsasaka sa Nueva Ecija.
Iba na din aniya ang proseso ngayon dahil mismong mga kawani ng DAR ang tumutungo sa tahanan o bukirin ng mga magsasaka upang ibigay ang titulo ng lupa.
Hindi na sila hihintaying magtungo sa tanggapan dahil dadalhin sa kanila ang matagal nang hinihiling na titulo ng lupa.
Kamakailan lamang ay nasa 18 magsasaka ng palay at sibuyas ang napagkalooban ng titulo ng lupa na may sakop na 15.94 ektaryang bukirin mula Cabanatuan, Palayan at General Natividad .
Dagdag pa ni Ramones, walang makahihinto sa pagbibigay serbisyo ng ahensiya upang makatulong sa mga nasasakupang magsasaka katulad ngayong nananatili ang suliraning pangkalusugan dulot ng COVID-19.
Kaniya ding ibinalita na nasa 1.4 milyong piso ang inilaan ng tanggapan sa pamamahagi ng food packs at non-food packs para sa 2,846 Agrarian Reform Beneficiaries sa lalawigan.
Nasa 1.9 milyong piso naman ang ginugol ng DAR upang makapagpamahagi ng mga libreng binhi ng gulay, pataba sa 181 magsasaka sa Nueva Ecija.
Ayon pa kay Ramones, ngayon mas nararamdaman ang kahalagahan ng gampanin ng mga magsasaka na maituturing na mga bayani hindi lamang sa pagharap sa pandemiyang nararanasan ng bansa kundi bilang mga haligi o pundasyon ng ekonomiya.
Kung kaya’t mananatiling sumusuporta at aagapay ang ahensya upang makatulong sa mga pangangailangan ng mga magsasaka na kanilang mapalago at maipagpatuloy ang kanilang pagsasaka.