LUNGSOD NG AGHAM NG MUNOZ — Nagpaabot ng pasasalamat ang Department of Education o DepEd Science City of Muñoz sa natatanggap na suporta mula sa iba’t ibang tanggapan.
Ayon kay City Schools Division Superintendent Dante Parungao, sa pamamagitan ng sama-samang pagtutulungan ay magiging maayos ang lahat na maitatawid ang bagong pamamaraan ng paghahatid edukasyon sa mga mag-aaral sa siyudad.
Lubos ang kaniyang pasasalamat sa mga kapwa guro, kawani ng tanggapan, lokal na pamahalaan, at iba pang stakeholder na patuloy ang suporta upang mapagtagumpayan ang mga hakbang sa pagpapatuloy ng pag-aaral ng mga kabataan.
Pangunahin rito ang laging pag-alalay ng pamahalaang lungsod agham ng Muñoz mula sa simula pa lamang ng pagpa-plano hanggang sa pagbili ng mga kailangang kagamitan sa bawat paaralan para sa pag-iimprenta ng mga module.
Paliwanag ni Parungao, napagdesisyunan ng kagawarang isailalim ang lahat ng mga nasasakupang estudyante sa printed modular modalities dahil mahina ang signal ng internet sa lungsod na pangunahing suliranin para sa gagamit ng internet modality.
Sa 30 mag-aaral na sumalang sa dry run ay kalahati ang nahirapang kumonekta sa internet at hindi nakasali sa diskusyon ng pag-aaral.
Kung kaya’t ang mga estudyante mula Kinder hanggang Grade 12 sa siyudad ay gagamit ng naka-imprentang module na pinaglaanan ng pondo upang makumpleto sa darating na pasukan.
Kaugnay nito ay nagbigay ng tig-iisang photocopy machine ang pamahalaang lungsod sa kada paaralan sa siyudad upang mapadali ang pag-iimprenta ng mga module.
Pahayag ni Parungao, may binuong mga komite ang opisina na silang tututok sa preparasyon ng bawat paaaralan sa siyudad upang masigurong hindi magkukulang ng mga module at iba pang pangangailangan sa pagbubukas ng eskwela.
Sa kasalukuyan aniya ay may kopya na din ng mga module ang mga guro upang maagang makapagayak ng mga activity sheets, home learning guides at iba pang materyales bago ang pasukan.
Sa buong lungsod ay umabot na sa 20,751 ang mga nakapagpatalang estudyante sa mga pampublikong paaralan, 816 ang mga nakapag-enrol sa mga pribadong eskwelahan at 739 sa mga paaralang sakop ng SUC o State Universities and Colleges.